Home NATIONWIDE Rider groups humingi ng malasakit, katarungan 

Rider groups humingi ng malasakit, katarungan 

MANILA, Philippines- Umapela ang dalawang pangunahing grupo ng mga motorcycle rider sa Motorcycle Taxi Technical Working Group (MCT-TWG) na isaalang-alang ang epekto ng mga polisiya nito sa buhay ng commuters at riders habang dinedesisyonan ang apela ng Move It na bawiin ang kautusang nagbabawas sa kalahati ng fleet ng motorcycle taxi platform.

Dinidinig ng MCT-TWG ang motion for reconsideration at supplemental appeal ng Move It upang baligtarin ang naunang kautusan nitong Abril, na maaaring magresulta sa pagkawala ng trabaho ng humigit-kumulang 14,000 riders sa Metro Manila, Cebu, at Cagayan de Oro. 

Giit ng Move It, ginawa ang desisyon nang walang due process at nakabatay sa luma nang datos.

Ayon kay Andie delos Santos, tagapagsalita ng United Motorcycle Community, hindi simpleng usapin ng pagsunod ang pinag-uusapan.

“Totoong tao ang pinag-uusapan dito, hindi numero. Mga tatay, mga kapatid, mga breadwinner ng kani-kanilang pamilya. Umaasa sila sa Move It para kumita at mapakain ang kanilang pamilya at paaralin ang kanilang mga anak. May tiwala kami na gagawin ng gobyerno hindi lang ang legal, kundi ang tama,” ani Delos Santos.

Nagpahayag din ng saloobin si Romeo Maglunsod, chairman ng Motorcycle Taxi Community, at iginiit na tila laging Move It ang tinatarget ng mga grupong walang malasakit sa mga rider.

“Hinihingi lang namin ang fairness and understanding. Sa lahat ng kumpanya, parang Move It lagi ang pinag-iinitan ng mga maiingay na grupo tulad ng Digital Pinoys.”

“Bakit ganu’n? Kung mawalan ba kami ng trabaho, sila ba (ang) magpapakain sa mga pamilya namin? Sila ba (ang) magbabayad ng tuition ng mga anak namin? Obvious naman na wala silang pakialam sa kapakanan ng mga apektadong driver,” lahad ni Maglunsod.

Dagdag pa ni Delos Santos, hindi lang ang rider ang tatamaan kung hindi papanigan ng TWG ang Move It, kundi pati na rin ang mga ordinaryong pasahero.

“Bawat rider ng Move It na tinatanggal sa kalsada, isa ’yung sakay na nawawala para sa isang commuter. Hindi lang ito tungkol sa amin bilang mga rider. Para rin ito sa mga pasaherong araw-araw umaasa sa ligtas, mabilis, at abot-kayang transportasyon, lalo na ngayong nasa gitna tayo ng krisis sa pampublikong transportasyon,” aniya. RNT