Home NATIONWIDE Rider sa viral road rage video may warrant of arrest –...

Rider sa viral road rage video may warrant of arrest – SPD

MANILA, Philippines – Isiniwalat ng Southern Police District police na may standing warrant of arrest ang motor rider na na-pin down ng isang pulis sa isang viral na alitan sa trapiko.

Ani SPD director Police General Roderick Mariano na may standing warrants si Angelito Rencio para sa qualified theft, usurpation of authority, at iba pang kaso.

“We are verifying kung nakapag-piyansa na siya,” dagdag pa ni Mariano.

Sa isang viral video, makikita si Rencio na nakahiga sa lupa sa kanto ng Arnaiz Road at Osmeña Highway sa Makati City sa tila isang road rage incident kay Police Staff Sergeant Marsan Dolipas.

Matatandaang hawak ni Dolipas ang kanyang baril habang sinusubukang pigilan si Rencio.

Sinabi ni Rencio sa imbestigador ng Makati police na isa siyang retiradong intelligence operative para sa Armed Forces of the Philippines.

Hiniling din niya na payagang umalis sa presinto ng pulisya para makuha niya ang mga papeles ng baril na natagpuan sa kanya.

Hindi bababa sa dalawang pulis ng Makati ang na-relieve sa kanilang tungkulin dahil pinayagan nilang umalis si Rencio.

Nagsampa si Dolipas ng reklamong usurpation of authority, illegal possession of firearms, at resisting arrest sa Makati Prosecutors Office.

Sinabi niya na ang viral video ay nakakaapekto sa kanya at sa kanyang pamilya.

“Mayabang daw ako kasi pulis daw ako may baril ako. Sa mata kasi ng mga tao is hindi maganda yung ginawa natin. Pero nakita naman ng mga tao na ginagawa lang natin ang trabaho natin. At wala po tayong intensyon na saktan ‘yung tao,” ani Dolipas.

“Sabi ko sa kanya, Sir, kuya mag-ingat naman kayo dahan-dahan sa pagmamaneho muntik ko na kayong mabangga. Ang sagot nya sa akin (bleep), nag-dirty finger, tinaas nya yung kanang bahagi ng t-shirt nya. Doon ko nakita na may baril,” aniya pa.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang bersyon ng kuwento ni Dolipas.

Nagbigay na rin ng pahayag si Dolipas sa National Police Commission.

“Ang akala ko nga sir bubunutin nya kaya nineybyos ako sir. SOP kasi yan sir kasi na-subdue mo na yung tao, wala nang imminent danger sayo, yung baril hindi mo dapat nakatutok sa tao,” dagdag pa ni Dolipas.

Hinahanap na ng mga pulis si Rencio.

Hindi pa matukoy ng pulisya kung kanino nakarehistro ang baril na dala ni Rencio. RNT