MANILA, Philippines- Umapela si Senator Risa Hontiveros nitong Linggo kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy na harapin din ang alegasyong pwersahan umano nitong kinuha ang sweldo ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) bilang donasyon para sa kanyang sarili at sa kanyang religious group.
Iprinisenta ni Hontiveros, pinuno ng Senate Committee on women, children, family relations and gender equality, sa nakaraang hearing si Reynita Fernandez, isang OFW na nakabase sa Singapore, na nagsabing pinilit umano siya at iba pang domestic workers na ibigay ang 90% ng kanilang kita kay Quiboloy.
Ayon sa mambabatas, nawalan ng bahay si Reynita dahil sa pagbibigay ng kanyang sahod sa pastor.
“Araw-gabi kumayod ang mga OFW, tapos imbes na mapunta sa pamilya nila ang pinagtrabahuhan nila, pilit silang hinuhuthutan ni Quiboloy. ‘Di na nga nakukuha ang sweldo nila, pinagbebenta pa sila ng kung anu-ano para lang makapag-remit, hindi sa kanilang pamilya, kundi sa Kingdom,” giit ni Hontiveros.
Sa isang mensahe, itinanggi ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Quiboloy, ang mga alegasyon at sinabing walang obligasyon ang kanyang kliyente na sagutin ang panawagan ni Hontiveros.
“Even assuming that the allegations were true — which they are not — the proper forum would NOT be the Senate. The Pastor has no obligation to answer to Ms. Hontiveros, whose track record for untruthfulness is second to none,” pahayag ni Topacio.
“She is obviously using her position as a bully pulpit and as a platform for advancing her own pathetic political agenda,” patuloy niya.
Noong nakaraang linggo, kinontemp ni Hontiveros si Quiboloy matapos paulit-ulit na balewalain ng religious leader ang subpoena na inilabas ng Senado sa paggiit niya ng kanyang right to due process.
Anang ng senador, maaari lamang igiit ang right against self-incrimination ng isanh witness na dumalo mismo sa pagdinig at “as per question basis.”
“This has been settled by the Supreme Court. Sa madaling salita, kailangan niya pa rin magpakita sa Senado. Ang bibigat na ng mga paratang sa kanya, pero hindi pa rin siya nagpapakita. Why is he hiding? Why is he so afraid? Takot ba siyang hindi niya madepensahan ng maayos ang mga inaakusa sa kanya?” tanong niya.
Hinikayat din ng senador ang kanyang mga kasamahan sa Senado na pakinggan ang mga kwento ng umano’y mga biktima ni Quiboloy.
“Sigurado ako na kapag mapakinggan nila ang mga karanasan ng mga dating miyembro ni Quiboloy, walang mag-aatubiling manindigan para sa katarungan,” patuloy niya.
Nauna nang sinabi ng KOJC leader na hindi siya sasailalim sa Senate inquiry at haharapin lamang ang mga alegasyon laban sa kanya sa korte.
Inakusahan din ng Davao-based religious leader ang United States government, sa tulong ng Philippine officials, ng planong pagpatay sa kanya. Nahaharap si Quiboloy sa iba’t ibang kaso sa US, kabilang ang trafficking at bulk cash smuggling. RNT/SA