MANILA, Philippines – TILA pakonswelo sa mga motorista ang ipatutupad na katiting na bawas presyo sa mga produktong petrolyo ng mga kompanya ng langis sa bansa na ipatutupad sa mismong araw ng bisperas ng Bagong Taon.
Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng bawas presyo na P0.30 sa kada litro ng gasolina at diesel habang P0.90 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.
May katiting na bawas presyo din sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) at CleanFuel na magiging epektibo alas-12:01 bukas ng madaling araw.
Ang ipapatupad na bawas presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.
Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng ang mga kompanya ng langis sa bansa ng dagdag presyo na P0.50 sa kada litro ng gasolina, P1.45 sa kada litro ng diesel, at P0.75 sa kada litro ng kerosene. JR Reyes