Home HOME BANNER STORY Roque: Defense team gagawin lahat para mapauwi si Digong

Roque: Defense team gagawin lahat para mapauwi si Digong

MANILA, Philippines – Tiniyak ni dating presidential spokesman Harry Roque na ginagawa ng depensa ang lahat ng legal na hakbang para mapauwi agad si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nakakulong sa ICC dahil sa kasong crimes against humanity.

“Hindi tayo uuwi na hindi kasama si Presidente Duterte (We will not come home without President Duterte),” ani Roque sa isang press conference nitong Lunes, Marso 17.

“So, let’s just say our prayers is that he will be released at the soonest time possible and we will take all steps necessary para mapauwi siya sa lalong mabilis na panahon,” dagdag pa ni Roque.

Dumalo si Duterte sa Pre-Trial Chamber noong Marso 14, at sa Setyembre 23 ay tatalakayin ang kumpirmasyon ng mga kaso laban sa kanya.

Kinuwestiyon ni Roque ang legalidad ng pag-aresto kay Duterte batay sa Article 59 ng Rome Statute, ngunit iginiit ng mga eksperto na hindi na ito sakop ng Pilipinas mula nang umatras ito sa ICC noong 2019.

Plano rin ng depensa na hilingin ang pagpapawalang-bisa ng kaso at pansamantalang pagpapalaya dahil sa kanyang kalusugan, ngunit hindi pa kailanman pinagbigyan ng ICC ang ganitong kahilingan.

Sa kabilang banda, sinabi ni Roque na nasa The Hague si Bise Presidente Sara Duterte ngunit hindi maaaring maging abogado ng kanyang ama dahil ipinagbabawal ito ng Konstitusyon.

Pinangungunahan naman ng British-Israeli lawyer na si Nicholas Kaufman ang depensa, kasama si Roque.

Inaresto si Duterte noong Marso 11 at inilipad patungong The Hague upang harapin ang mga kaso kaugnay ng kanyang madugong kampanya laban sa droga.