MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na ang ruling ng International Criminal Court (ICC) ay base sa Rome Statute at hindi sa political statements.
Reaksyon ito ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa kamakailan lamang na muling paggamit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tila hinahamon ang hurisdiksyon ng ICC sa crime against humanity case ni Digong Duterte.
“Sa ating pagkakaalam, the ICC will base its decision or order or resolution on the Rome Statute and it will not be guided by the political statements,” ang sinabi ni Castro sa sidelines ng 47th ASEAN Summit and Related Meetings sa Malaysia.
“Kung iyan po ay kanilang gagamitan ay depende na ito sa ICC kung papaano nila ito ie-evaluate,” aniya pa rin.
Sa ulat, ginamit kasi ng kampo ni Duterte ang naging pahayag ni Pangulong Marcos na “impliedly accepted, for jurisdictional reasons, that former President Duterte should not be tried at the […] Court,” tinukoy ang 2023 letter kay Vice President Sara Duterte na ang gobyerno ay “will not assist the ICC, in any way, or form.”
Napaulat na ibinasura ng ICC ang argumento ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na wala itong hurisdiksiyon sa dating lider matapos umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2018.
Sa 32-pahinang desisyon na inilabas nitong Oktubre 23, nagkakaisang ibinasura ng ICC Pre-Trial Chamber I ang legal na hamon ni Duterte.
Ayon sa korte, may hurisdiksiyon pa rin ang ICC sa mga krimen na umano’y ginawa sa Pilipinas habang ito ay kasapi pa ng Rome Statute.
Ipinaliwanag ng korte na nagsimula umano ang preliminary examination ng ICC noong Pebrero 8, 2018, bago pa man magpasa ng withdrawal notice ang Pilipinas mula sa Statute noong Marso 17, 2018.
Tinanggihan din ng korte ang hiling ng depensa na ipagpaliban ang desisyon habang hinihintay ang pagsusuri sa kakayahan ni Duterte na makibahagi sa pre-trial proceedings.
Si Duterte ay kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands at nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs campaign ng kanyang administrasyon. (KRIS JOSE)