MANILA, Philippines – Naglabas ng travel essentials ang Philippine Ports Authority (PPA) ngayong Undas 2025 kasabay ng paalala para sa ligtas at maayos na biyahe.
Paalala ng PPA sa mga pamilyang may bata: dalhin ang tickets at IDs, snacks at inumin, laruan/aklat/tablet, wet wipes at extrang damit, sumbrero o jacket, basic first-aid (band-aid, thermometer, paracetamol drops), at name tag o safety wristband.
Siguraduhin din na hawak-kamay ang bata sa mataong lugar upang hindi ito mawalay sa kasama.
Para naman anila sa mga solo travelers, kailangan dalhin ang valid ID at ticket (may digital copy), compact bag lang, tubig, power bank at charger, light jacket o shawl, emergency contacts at ipaalam ang ruta sa mga kaanak o kaibigan, plus sanitizer at wipes.
Siguraduhin din na maagang dumating sa pantalan dahil asahan na ang pagdagsa ng mga pasahero at para iwas na rin sa di inaasahang abala.
Para sa seniors, siguraduhing may dalang maintenance meds (labelled), medical ID o reseta, magagaan na meryenda at tubig, portable fan o maliit na unan, eyeglasses/reading aids, valid ID at travel papers, at assistance card/contact ng kasama.
Giit ng PPA, huwag mahiyang humingi ng tulong sa kanilang staff kung may kailangan.
Para naman sa mga babyahe na mga plantitas/plantitos, kailangan ng Clearance for Domestic Transport (CDT) mula BPI–NPQSD; may limitasyon sa ilang halaman gaya ng genus Musa (saging/abaka).
Para naman sa fur parents, dalhin ang Veterinary Health Certificate at valid shipping permit mula BAI–NVQS na balido hanggang 7 araw.
Paalala pa ng ahensya, planuhin ang biyahe, kumpletuhin ang requirements, at manatiling ligtas sa mga pantalan.