Home OPINION SA 48 ORAS PATAY KA SA BAKTERIA SA JAPAN

SA 48 ORAS PATAY KA SA BAKTERIA SA JAPAN

MAY bakteria na kumakain ng laman ng tao sa Japan at sa loob lang ng 48 oras, todas na ang biktima, ayon kay Ken Kikuchi, propesor sa infectious diseases ng Tokyo Women’s Medical University.

Group A Streptococcus o GAS ang ngalan ng bakterya na kung nakakain na ng maraming laman ng tao ay nagbubunga ng tinatawag na streptococcal toxic shock syndrome o STSS.

Sabi ng mga awtoridad, makaraang manalasa ang mga Covid-19 virus, lumitaw naman ang GAS.

Pero higit na nakatatakot ang GAS dahil sa loob ng 48 oras, patay ang makapitan nito samantalang sa Covid-19, karaniwang inaabot ng 3-7 araw bago mamatay ang biktima.

Heto pa, 30 porsyento ang namamatay sa GAS samantalang 1.4% lang sa Covid-19.

Hanggang Hunyo 2, 2024, may 977 nang kasong GAS at aabot umano sa 2,500 ang kaso sa katapusan ng taon.

Nakatatakot pa umano ang posibleng mabilis na pagkalat nito sa ibang mga bansa.

Kumakalat ang bakterya kapag umuubo o dumudura ang biktima at karaniwang sa bunganga at lalamunan pumapasok ito.

Pumapasok din ang GAS sa mga sugat ng tao at sumasama sa dumadaloy na dugo.

Kapag nakapasok na sa katawan ng tao, mararamdaman ang sobrang pananakit at pamamaga ng buong braso mula sa balikat hanggang sa mga daliri, mula baywang hanggang sa mga daliri sa mga paa, pagkakaroon ng lagnat at mabagal na pagdaloy ng dugo at kasunod na rito ang pagkamatay ng mga tissue o laman, hirap sa paghinga, paghinto ng mga internal organ gaya ng mga baga, bituka at iba pa at at pangangalawit ni kamatayan.

Sabi ni Kikuchi, kung may sugat ang tao, dapat hugasan agad at ipagamot at karaniwang mga 65 anyos pataas ang mga namamatay bagama’t karaniwang kumakapit ang bakteria sa kahit kanino.

Karaniwan namang biktima ang mga may diabetes at manginginom

Noong 2022, mayroon nang limang bansa sa Europa na meron nito ngunit pinag-aaralan o inoobserbahan pa lang.

Pero iba na ngayon dahil napatunayan nang matindi at very bad news ang GAS.

Dapat mag-ingat lahat, lalo na ang mga mahilig mag-Japan.

Baka naman pag-uwi ninyo, may GAS at STSS na kayong dala-dala, ha?