BINIBIGYANG pugay tuwing Mayo ang lahat ng “ilaw ng ating tahanan” Itinatapat ito sa araw ng Linggo upang lalo nating maipadama sa ating mga ina ang kanilang kahalagahan sa ating buhay.
Mama, inay, nanay, mommy, mother atbp ang ating bansag sa mga babaeng hindi lang nagbigay buhay sa atin sa mundong ito subalit sila rin ang dahilan sa ating narating. Wala nang makahihigit pa sa kanilang pag-aaruga sa atin. Hinuhubog tayo sa pag-mamahal upang tayo’y maging maayos sa ating pakikisalamuha sa ating mga kapwa tao at mapuspos din tayo ng pagmamahal.
Tulad ng inyong mga ina, ganoon din ang aking mahal na nanay. Sa dami naming magkakapatid, naitaguyod niya ang bawat isa amin na maging mabuting tao. Binusog kami sa pagmamahal upang ibahagi rin ito sa lahat.
Nagsikap siyang mapalaki kaming lahat nang ‘di nagkalaroon ng alitan o inggitan. Kapag may bagong damit, halimbawa ang isa sa amin, hindi maaaring wala ang iba. Sisiguraduhin niyang magkakaroon ang bawat isa.
Hindi rin siya sumasablay sa pagbibigay ng pangaral.kapag napapansin niya kaming naliligaw ng landas. At kadalasan halos makalimutan na ng ating mga ina ang kanilang mga sarili sa pag-aaruga sa atin. Ganyan kalalim ang kanilang pagmamahal sa atin.
Dalisay ang pagmamahal ng isang ina. Gagawin niya ang lahat para sa ikabubuti natin? Titiisin ang lahat ng hirap para lamang tayo mapalaki.
Ang dalhin tayo sa kanyang sinapupunan ay isa nang malaking paghihirap hanggang tayo ay kanyang iluwal. Eh mano pa, ang kanyang pagpapalaki sa atin hanggang siya at tayo ay magkaedad na.
Binusog din niya tayo sa mabubuting pangangaral upang itanim sa atin ang mga tamang gawain at iwaksi ang masasama. Ganyan kalinis ang damdamin ng ating mga ina habang tayo’y nasa kanyang kanlungan habang dinuduyan tayo sa kanyang pagmamahal.
Mabuhay ang ating mga ina ng tahanan! Gawin natin na ang lahat ng araw ay maging ‘Mother’s Day’ para sa lahat ng ina ng tahanan.