
NAPALALAMIG nang kaunti ng mga pag-ulan ang buong bansa.
Nasa 26-34 degrees celcius lamang ang katamtamang init sa buong bansa kahapon.
Katamtaman ang ganitong init ng panahon at pati ang init ng katawan ng tao na umaabot sa katamtamang 36-37 degrees.
Hindi katulad noong nagdaang mga araw at linggo na umabot ang lahat sa 45-47 degrees Celsius.
Magiging tuloy-tuloy na kaya ang ganitong katamtamang init at lamig?
Ang PAGASA ang makasasagot niyan.
Pero ang tiyak, magkaroon ng man ng seesaw o pataas-pababang init ng panahon, patungo na tayo sa tag-ulan.
Kung kailan idedeklara ito ng PAGASA, maghintay na lamang tayo.
At ang tiyak din, kakambalan ng La Niña ang tag-ulan, gaya ng ginawa ng El Niño sa tag-init ngayon.
LAHAT MAGHANDA
Bago pa dumating ang kautusan ng Malakanyang na maghanda na ang lahat laban sa La Niña at tag-ulan, may mga kumikilos nang local government unit laban dito.
Kabilang diyan ang mga lalawigan at mga lungsod at munisipyo sa ilalim ng mga lalawigang Bulacan, Pampanga at Marikina City.
Magiging kaagapay ng lahat ng LGU ang mga pambansang kawanihan gaya ng Departments of Public Works, Social Welfare and Development, at Interior of Local Government, Health, DPWH, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Metro Manila Development Authority at iba pa.
Kalamidad, laban sa mga kalamidad ang inaasahan nating darating.
Pinansya, gamit o makinarya, pagkain, evacuation center, katawan ng tao at marami pang iba ang dapat ihanda.
Lalo na kung iisiping maraming tao, libo-libo o milyon ang maaaring masalanta ng kalamidad.
Imadyinin na lang natin na kung may darating na bagyo at may lawak na 500 kilometro ito at susuyurin nito ang Metro Manila patungong Central Luzon hanggang Ilocos Norte, milyon-milyong tao ang mapapasama ang kalagayan diyan.
Maaaring manggaling din ito sa Mindanao at daraan sa Kabisayaan kaya milyon din ang maaapektuhan.
ANG KALAMIDAD
Hindi natin dapat ipaliwanag pa kung gaano kahirap ang maisailalim sa kalamidad.
Kapag ang ulan ay siyam-siyam gaya ng nangyayari sa bansang Brazil ngayon na halos dalawang linggo nang umuulan nang malakas, naririyan ang katakot-takot na baha.
Kapag may bagyo naman, naririyan ang pagkasira ng mga tahanan, gusali, kuryente, telepono, tanim at marami pang iba.
Kapag kinambalan ang malakas na bagyo ng malakas na ulan, naririyan na rin ang grabeng baha, landslide, storm surge, tsunami, pagtigil ng transportasyon, paglubog ng mga bangka at barko at marami pang iba.
Sa lahat ng ito, nakataya ang buhay at ari-arian.
Naririyan ang maraming anyo ng kamatayan gaya ng pagkasawi ng mga haligi ng mga tahanan o daan-daan o libong mamamayan.
Naririyan din ang labis na paghihirap sa kawalan ng makain, mainom, tahanan, pagkakitaan, masisilungan at iba pa.
Sa ibang salita, grabeng kalamidad ang dinadala ng La Niña at tag-ulan na kakaiba na ngayon.
Nasaan na ang paghahanda ng pamahalaan at mamamayan?