Home OPINION SA EMERGENCY ROOM, AGAD-AGAD MABIBIGYAN NG TAMANG ATENSYONG MEDIKAL

SA EMERGENCY ROOM, AGAD-AGAD MABIBIGYAN NG TAMANG ATENSYONG MEDIKAL

Ang Emergency Department o mas kilala sa tawag na “ER” o Emergency Room ay isang mahalagang bahagi ng bawat ospital. Ito ay isang pangunahing yunit na tumutugon sa mga agarang pangangailangan ng mga pasyenteng may malubhang kon­disyon o mga biglaang pangyayari na nangangailangan ng agarang ­atensyong medikal.

Ang pangunahing layunin ng ER ay magbigay ng agarang lunas sa mga pasyenteng nasa kritikal na kalagayan. Sa loob ng ER, ang mga doktor, narses, at iba pang medikal na propesyonal ay nagsasanay upang mabilis at epektibong makatugon sa iba’t ibang uri ng emerhensiya – mula sa mga aksidente, atake sa puso, pagkalason, hanggang sa mga biglaang pagsumpong ng sakit.

Sa datos ng DOH, nasa higit kumulang 157 na pasyente ang nadadala sa ER bawat araw, kung saan 11% sa mga ito ay nasasawi.

Ang ER ay nagsisilbing unang puntong konsultasyon para sa mga indibidwal na walang akses sa regular na pangangala­gang medikal o mga walang kakayahan na magpa-appointment sa isang espesyalista. Sa ER, kahit sino ay maaaring magtungo anomang oras, kahit anong araw, at agad na mabibigyan ng tamang atensyong medikal.

Ang ER ay dapat na laging handa para sa mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol, at iba pang pangyayaring may kinalaman sa kalikasan. Ang mga ospital ay may mga protocol upang tiyakin na handa ang ER na tanggapin at tugunan ang mga panga­ngailangan ng malaking bilang ng mga pasyente sa panahon ng sakuna.

Ang mga propesyonal na nagtatrabaho sa ER ay sanay sa pag­hawak ng stress at mabilis na paggawa ng desisyon. Ang kanilang pagsasanay ay nakatuon sa pagbibigay ng pinakamahusay na pangangalaga sa mga oras ng krisis, kung saan ang bawat segundo ay napakahalaga para sa kaligtasan ng buhay.

Ang ER ay tumutulong upang mabawasan ang pila at workload ng mga outpatient department (OPD) ng ospital. Sa halip na maghintay sa OPD para sa simpleng konsultasyon o diagnosis, ang mga pasyente na may agarang pangangailangan ay maaa­ring dumiretso sa ER para sa mabilis na atensyon.

Sa ER, ang mga pasyente ay dumaraan sa kritikal na ebalwasyon upang matukoy ang kalubhaan ng kanilang kalagayan. Mula rito, maipapasa ang pasyente sa tamang yunit ng ospital, gaya ng private room, Intensive Care Unit (ICU) o operating room, kung kinakailangan.

Serbisyong Pangkalusugan Para sa lahat

Ang ER ay nagbubukas ng oportunidad para sa lahat na makatanggap ng pangangalagang medikal, anoman ang kani­lang estado sa buhay.
Sa ER, walang mahirap o mayaman, lahat ay tinatanggap at binibigyan ng pantay-pantay na atensyon.

Sa kabuuan, ang ER isang esensyal na bahagi ng sistemang pangkalusugan ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng mabilis na pagtugon, mahusay na koordinasyon, at dedikasyon ng mga kawani nito, ang ER ay nagiging sandigan ng mga Filipino sa oras ng kagipitan.

Mahalagang patuloy na suportahan at paunlarin ang mga pasilidad at serbisyo ng ER upang mapanatili ang mataas na        antas ng serbisyong pangkalusugan sa bansa.

Sa ER nagaganap ang maraming makatotohanang pangyayari sa buhay. Mga pamilyang nag-aalala sa nag-aagaw buhay nilang kaanak, mga naaksidente sa kalsada, mga awayan na humantong sa sakitan, at iba pang malubhang kalagayan