Home OPINION SA ULO DAPAT TARGET

SA ULO DAPAT TARGET

227
0

SA gitna ng makapigil-hiningang mga espekulasyon tungkol sa napabalitang naaresto na si Harry Roque sa The Netherlands — isang istoryang hindi pa nakukumpirma habang isinusulat ito — isang bagay ang malinaw: saklaw ng legal and constitutional authority ng gobyerno ang pagdakip sa kanya.

Naglabas ng arrest warrant ang isang korte sa Pilipinas. Hindi ito bunsod lang ng isang press release, ng isang deep-fake video na nagdidiin sa kanya, o gawa-gawa ng mga kaaway sa pulitika na nasa kapangyarihan ngayon.

May natukoy na dahilan ang Angeles City Regional Trial Court para isulong ang walang piyansang kaso na qualified human trafficking laban kay Roque kaugnay ng pag-iimbestiga sa Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga. Bad news ang nasabing operasyon ng POGO, konektado sa mga alegasyon ng pagto-torture, kidnapping, at sex trafficking ng mga dayuhan — karamihan ay Chinese — na illegal workers.

Bukod pa riyan, may hiwalay na arrest warrant laban sa kanya na inilabas ang Kamara para sa contempt dahil sa paulit-ulit niyang hindi pagsipot sa mga pagdinig at sa kabiguang magsumite ng hinihingi sa kanyang SALNs sa kasagsagan ng imbestigasyon sa POGO. Ang lahat ng ito ang dahilan sa pagkansela ng Pasig RTC sa kanyang pasaporte.

Kung pakaiisipin, ang lahat ng ito ay bahagi ng proseso ng isang gumaganang legal system kung saan isang tao na may ganoong mga warrant ang tinutugis nang literal na hanggang sa kadulu-duluhan ng mundo.

Kaya kahit pa batid natin ang mga kumakalat na espekulasyon na hindi pa kinukumpirma ng gobyerno habang isinusulat ito, ang proseso sa pagpupursigeng maaresto si Roque ay maliwanag na naaayon sa batas. Kung hiniling ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at Department of Justice sa Interpol ang paglalabas ng Red Notice, at kung aktuwal nang kumilos ang Dutch authorities upang hulihin siya — tangkain man niyang pumunta sa Amsterdam o bumiyahe patungong Vienna, gaya ng napapabalita — sa huli ay mananaig pa rin ang batas.

Kudos sa Marcos administration sa pagpapatunay, sa partikular na kasong ito, na buhay na buhay ang proseso ng hustisya sa Pilipinas. Pero ang pagbubunyi para rito ay maituturing na isang double-edged sword para sa Presidente.

Bakit? Dahil hindi ordinaryong akusado lang si Roque. Isa siyang political figure, kaalyado ng mga Duterte, isang dating tagapagsalita ng Pangulo na kritiko ng administrasyong Marcos at hayagang tumutuligsa sa kanyang pamumuno. Eh, gusto nga niyang maging Pangulo na ngayon si VP Sara Duterte!

Uulitin ko, walang masama kung arestuhin man siya. Pero ano ang magiging impresyon nito sa publiko kung makikita ng mundo na kaya ng gobyernong ito na tugisin ang isang kaaway sa pulitika kahit pa ilang kontinente ang layo niya, pero malamya naman ang pagsisikap na matunton ang pangunahing personalidad sa trillion peso flood control scandal, si dating congressman Zaldy Co, para mapabalik dito at harapin ang mga kaso.

Bakit hindi hayaang tugisin din ng batas at maposasan si Co, na nagdawit kay dating Speaker Martin Romualdez – pinsan ng Pangulo – sa umano’y pandarambong at pagmamanipula sa pondo ng bayan na sentro ngayon ng interes ng sambayanan at labis na nakakaapekto sa ating ekonomiya?

Bibigyang-diin ko lang, hindi ko kinakaawaan ang naging kapalaran ni Harry Roque — kahit pa minalas na magkapareho kami ng apelyido. Pero pagsapit ng Linggo, kapag naglabasan na sa lansangan ang mga umay na umay ng mga Pinoy para sa ikalawang Trillion Peso March laban sa korapsyon sa gobyernong ito, mawawalan ng bigat ang pag-aresto kay Roque.

Hindi maaaring gawing sacrificial lamb ng Malacañang si Roque, dahil ang hinihingi ng galit na galit na taumbayan ay ang maipakulong ang pinakamalalaking pangalan sa kasalukuyang administrasyon. Hindi maaaring magpanggap ang Presidente na hindi niya alam kung ano ang gustong mangyari ng mamamayan.

At kahit ano pang paandar ni Ombudsman Crispin Remulla para ibalandra sa publiko ang mga DPWH regional officials na magkakasunod na nagmamartsa papasok sa kulungan, ang katotohanan ay hindi naman sila ang mga pangunahing personalidad na gustong tanggalin sa puwesto ng sambayanan para ikandado sa piitan. Ipinapahamak lang ng Palasyo ang sarili nito, o iyong tinatawag na shooting itself in the foot. Itaas pa natin ang target, Mr. President. Doon tayo sa head shot nang agaran upang matuldukan ang flood control controversy na ito nang sama-sama na nating matutukan ang pagpapaunlad sa ating bansa at pagpapasigla sa ekonomiya.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here