MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na naghain ng vote buying complaint laban sa reelectionist mayor ng San Fernando City, ang provincial capital ng Pampanga.
Sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na isinampa ang criminal case ng law department ng poll body sa Regional Trial Court ng lungsod laban sa local chief executive, kanyang asawa, at isa pang opisyal.
Tumatakbo si Vilma Caluag para sa isa pang termino bilang alkalde ng San Fernando City, habang si Melchor Caluag ay kanyang asawa.
Sinabi ni Garcia na nag-ugat ang reklamo sa umano’y vote buying incident noong 2022.
“That’s what we’ve been saying,” ani Garcia sa isang ambush interview. “Even if an official has been elected, we could still go after them in actions which occurred during their election bid.”
Sinabi ng alkalde na hindi pa niya natatanggap ang kopya ng Comelec complaint, base sa video ng regional TV network CLTV.
Iprinoklama ng Comelec si Caluag bilang nagwaging mayoral candidate matapos makakuha ng ng 57,486 boto. RNT/SA