MANILA, Philippines – Rumesbak si San Juan City Mayor Francis Zamora sa mga tumutuligsa sa mga alituntunin na ipinasa ng pamahalaang lungsod sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga evacuation centers nito na nagsasabing hindi ito nagbabawal o humahadlang sa sinuman na tumulong sa mga San Juaneño sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Ginawa ni Zamora ang pahayag nitong Martes, Setyembre 3, bilang tugon sa komento nina Senador Jinggoy Estrada at JV Ejercito na bumabatikos sa City Ordinance No. 26 o ang Guidelines on the Operation and Maintenance of Evacuation Centers in Response to Human-Induced o Natural Disaster in the City ng San Juan, Metro Manila.
Binatikos ng mga senador sa kani-kanilang Facebook posts ang ilan sa mga guidelines ng ordinansa, partikular ang pagpataw ng P5,000 penalty sa mga lalabag sa ordinansa at mangangailangan ng “Entry Permit” mula sa alkalde para sa mga gustong bumisita at mag-donate sa mga evacuee.
Ipinaliwanag ni Zamora na ang ordinansa ay lubos na inaprubahan ng konseho ng lungsod at ito ay isang lokal na batas na nagtitiyak ng kaayusan at kaligtasan ng mga residente nito na nananatili sa mga evacuation center.
“Sa panahon ngayon, lalo na’t tayo ay nagdaan lamang sa isang matinding pandemya, mahalagang isaalang alang ng ating lokal na pamahalaan ang maraming sakit na mabilis kumalat at maging pangkalahatang kaayusan sa loob ng ating mga evacuation centers. Ito ang dahilan kung bakit dapat may mangasiwa ng maigi at macoordinate ang lahat ng papahintulutang bumisita dito para masunod ang lahat ng protocols na umiiral,” ani Zamorra.
“Napakahalaga din na masuri ng maigi ang lahat ng donasyon o tulong sapagkat responsibilidad ng lokal na pamahalaan na siguraduhing ligtas at maayos ang pagkain, inumin, at gamot na ibinabahagi sa lahat ng nasa loob ng evacuation centers, ito man ay hain ng lokal na pamahalaan o ng donors. Responsibilidad din ng lokal na pamahalaan na siguraduhing manatili ang kaayusan at maiwasan ang ano mang kaguluhan sa loob ng Evacuation Centers lalo na kapag oras na ng pamamahagi. Maging ang tamang accounting at inventory ng mga donasyon ay responsibilidad din ng lokal na pamahalaan,” dagdag pa niya.
Binanggit ng alkalde na ang lahat ay malugod na tinatanggap na magbigay ng donasyon sa mga San Juaneño sa oras ng pangangailangan tulad ng pagtama ng Bagyong Carina sa Metro Manila na nagdulot ng malawakang pagbaha sa buong National Capital Region (NCR). RNT