Home NATIONWIDE Sapat na suplay ng enerhiya, sisigurahin ng G7 countries

Sapat na suplay ng enerhiya, sisigurahin ng G7 countries

136
0

Nangako ang mga bansang G7 na magsasagawa ng “necessary measures” upang tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya sa mundo at mapanatili ang seguridad ng mahahalagang rutang pandagat, kabilang ang Strait of Hormuz na kritikal sa pandaigdigang kalakalan ng langis.

Sa pahayag ng mga foreign minister ng Canada, France, Germany, Italy, Japan, United Kingdom at United States, kasama ang kinatawan ng European Union na si Kaja Kallas, binigyang-diin ang kahalagahan ng ligtas na navigasyon at matatag na supply chain, kasabay ng pagpapanatili ng stability ng energy markets. Itinuro rin nila ang naging desisyon ng International Energy Agency na maglabas ng stockpile bilang halimbawa ng mga hakbang na kanilang sinusuportahan.

Mariin ding kinondena ng G7 ang mga pag-atake ng Iran sa energy infrastructure sa ilang bansa sa Middle East, kabilang ang Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Jordan at Iraq, at nanawagan ng agarang pagtigil ng mga ito. Ipinahayag din nila ang suporta sa karapatan ng mga bansang apektado na ipagtanggol ang kanilang sarili.

Iginiit din ng grupo na hindi dapat makakuha ng nuclear weapon ang Iran at dapat nitong ihinto ang ballistic missile program at mga aksyong itinuturing na destabilizing sa rehiyon at sa buong mundo.

Samantala, patuloy na naaapektuhan ang Strait of Hormuz mula pa noong unang bahagi ng Marso bilang tugon sa mga pag-atake ng US at Israel sa Iran noong Pebrero 28, na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng langis. Tinatayang umaabot sa 20 milyong bariles ng langis kada araw ang dumaraan sa nasabing ruta, katumbas ng malaking bahagi ng global supply ng liquefied natural gas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here