MANILA, Philippines – Bukas ang Philippine National Police (PNP) sa panukalang dagdagan ang recruitment quota para sa kababaihan mula sa kasalukuyang 10%, kasabay ng lumalakas na papel ng mga babaeng pulis sa organisasyon.
Sa pinakahuling datos noong Pebrero 2026, umaabot sa 52,223 ang kababaihan sa kabuuang 236,493 na tauhan ng PNP o katumbas ng 22.08%, kabilang ang 43,847 uniformed personnel, 8,098 non-uniformed staff, at 278 cadets.
Kaugnay nito, may mga panukalang batas na inihain sa Senado at Kamara upang higit pang mapalawak ang representasyon ng kababaihan sa hanay ng pulisya.
“I am immensely proud. This is not just a number but proof of our evolving culture,” pahayag ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Binigyang-diin niya na hindi kasarian ang sukatan ng kakayahan sa serbisyo. “Sa PNP, hindi gender ang batayan ng kakayahan, ang serbisyo at dedikasyon ang mahalaga.”
Itinutulak din ni Nartatez ang permanenteng pagpapatupad ng 20% recruitment quota para sa kababaihan upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpasok ng mga babaeng lider sa matataas na posisyon. Aniya, may natatanging ambag ang mga babaeng pulis sa larangan, lalo na sa paghawak ng sensitibong kaso at pakikipag-ugnayan sa komunidad.
“Female police officers bring a unique perspective to the field, often prioritizing empathy and mediation. They excel in handling sensitive cases to make people in the community feel that their voices are heard and feel safer,” dagdag niya.
Ayon pa sa hepe ng PNP, ito ay kaayon ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang gender-responsive governance at ang papel ng kababaihan sa serbisyo publiko. Santi Celario