MANILA, Philippines – Nilinaw ng National Labor Relations Commission na maaaring magsampa ng reklamo ang mga manggagawa na sapilitang pinasasayaw sa mga Christmas party kung may banta ng parusa sa pagtanggi.
Kasabay ng paglilinaw ang paalala ng Department of Labor and Employment sa mga kumpanya na mag-organisa ng inclusive na aktibidad sa Pasko na gumagalang sa kultura, relihiyon at personal na kagustuhan ng mga manggagawa.
Kasunod ito ng usapin sa social media kung maaaring ireklamo sa DOLE ang sapilitang pagpapasayaw ng empleyado sa Christmas party.
Batay sa Labor Code, tanging misconduct, gross negligence, loss of confidence, krimen laban sa employer o pamilya nito, at analogous circumstances na may kinalaman sa trabaho ang maituturing na just cause para sa pagpaparusa.
Kung may sapilitan at nagbanta ng disciplinary action, puwedeng dumulog ang empleyado sa NLRC para humingi ng danyos.
Maaari ring magsampa ng reklamo kung nagresulta ito sa pag-initan o napakahirap na work environment na maaaring mauwi sa constructive dismissal. Posible ring masaklaw ng Safe Spaces Law kung may karampatang paglabag.
Gayunman, kung ang aktibidad ay bahagi lamang ng masayang samahan at walang anumang pamimilit o panggigipit, hinikayat ng DOLE ang pakikilahok sa isang maayos at respetadong pagdiriwang. Jocelyn Tabangcura-Domenden