MANILA, Philippines – Hiniling sa Supreme Court (SC) ng ilang grupo at indibidwal na atasan ang Kongreso na bumuo na ng batas laban sa political dynasties.
Sa 48 pahinang petition for certiorari and mandamus ng 1Sambayan, Sanlakas, ADvocates for National Interest at iba pang personalidad, hinimok din ng mga ito ang SC na patawan ng contempt ang Kongreso sakaling mabigo na sumunod sa magiging desisyon ng korte sa loob ng isang taon.
“With all due respect, the Honorable Court should not tolerate the Congress’ continuing violation of the 1987 Constitution for almost four decades.”
Nais ng mga petitioner na atasan ng SC ang Kongreso na tumalima sa Article II, Section 26 ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng pagkakaroon na ng pakahulugan sa salitang political dynasty at ang buong pagbabawal dito.
Binigyan-diin ng mga petitioner na wala pang naisasabatas na anti-political dynasty law kahit apat na dekada na ang nakalipas mula nang iratipika ang 1987 Constitution.
“The political dynasties, which have lorded over Congress prior to the 1986 EDSA Revolution and even now, long after the passage of the new Constitution in February 1987, have effectively repealed and killed Article II, Section 26 of the 1987 Constitution through their sheer shameful official inaction.”
Kapansin-pansin anila na mayorya sa mga nahahalal sa bansa ay pawang magkakamag-anak. TERESA TAVARES