MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng Supreme Court (SC) Office of the Court Administrator (OCA) na dagdagan pa ang mga pagbisita sa mga kulungan upang malaman ang kondisyon ng persons deprived of liberty (PDLs) sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon.
Sa inilabas na circular ni Court Administrator Raul Villanueva, inatasan ang mga hukom na magsagawa ng jail visitation sa kanilang nasasakupang lugar “at least once within their respective jurisdictions on any day, not later than May 31, for the sole purpose of determining how PDLs are affected by this heat wave.”
Sa nakalipas na araw, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng mataas na heat indices na mapanganib sa kalusugan.
Ang dagdag na jail visit ay bukod pa sa regular quarterly jail visits na itinatakda ng OCA Circular 01-2024.
Inatasan ng OCA ang mga hukom na magsumite ng court jail visitation at inspection reports sa kani-kanilang executive judge limang araw matapos ang pagbisita sa mga piitan.
Kailangan namang isumite ng mga Executive judge ang report sa Court Management Office at OCA.
Sa direktiba ng OCA, kailangan ang agarang pagtugon sa problema sa kalusugan ng mga PDL ngayong panahon na matinding init ang nararanasan. Teresa Tavares