Home NATIONWIDE Search ops sa nawawalang Filipino seafarer sisimulan sa engine room ng MV...

Search ops sa nawawalang Filipino seafarer sisimulan sa engine room ng MV Tutor

MANILA, Philippines – Sisimulan ang search operation sa nawawalang Filipino seafarer sa engine room ng MV Tutor kung saan pinaniniwalaang nagtatarabaho nang umatake ang Houthi noong Hunyo 12, ayon sa Department of Migrant Workers.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na nagbigay ng katiyakan ang shipowner na ang search operation para sa natitirang crew member ng MV Tutor ay ginagawa na, na may pag-asa na maiuuwi sa Pilipinas ang nasabing marino.

Ayon kay Cacdac, mahirap pang magsabi sa ngayon ngunit hahanapin pa rin ang marino sa engine room na puno ng tubig at langis dahil doon siya sinasabing nagtatrabaho nang mangyari ang pag-atake.

Nauna nang iniulat ng White House noong Lunes na nasawi ang isang Filipino seafarer dahil sa pag-atake.

Gayunman, ang mga opisyal ng DMW at Department of Foreign Affairs (DFA) ay nagpahayag na hindi nila makumpirma ang pagkamatay ng marino hanggat hindi nila nakikita ang kanyang katawan.

“Sa punto de vista natin, kailangan natin siyang makita bago tayo magkaroon ng conclusion tungkol s akanyang kinasapitan,” sabi pa ni Cacdac.

Ayon kay DFW Undersecretary Eduardo de Vega, ang Philippine Embassy sa Athens sa ilalim ni Ambassador Giovanni Palec ay nakipagpulong sa MV tutor shipping principal upang ipaalam ang search operations kapag nasa ligtas na daungan na ang barko.

Ang 21 iba pang Fililipo seafarer ay nakauwi na sa bansa noong Lunes ng umaga.

Mariing kinondena ng Pilipinas ang pag-atake at nanawagan sa miyembro ng United Nations na protektahan ang karapatang pantao ng mga marino. Jocelyn Tabangcura-Domenden