Home HOME BANNER STORY Security budget ni VP Sara dapat busisiin – solon

Security budget ni VP Sara dapat busisiin – solon

MANILA, Philippines – Dapat busisiin ang badyet ni Vice President Sara Duterte matapos kumpirmahin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroong 400 tauhan ang nakatalaga para protektahan ang Bise Presidente, sinabi ng isang mambabatas nitong Sabado, Agosto 10.

Matatandaan na kamakailan ay sinupalpal ni Duterte ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa pagbawi ng 75 tauhan nito mula sa kanyang security detail ngunit bigo namang sabihin na mayroon palang 400 military members ang inaatasan para magbigay ng seguridad sa kanya at sa buong pamilya nito.

“We are spending too much for the security of one family,” pahayag ni Manila Rep. Joel Chua sa isang news forum.

“Dapat tingnan din natin kung saan talaga napupunta yung budget dahil ito ay pera ng taong bayan,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa mambabatas, ang 100 sundalo ay sapat na para protektahan si Duterte, asawa nito at mga anak.

“Para sa isang pamilya gaano karaming security po ba ang kailangan? Dapat tingnan din po natin kung sapat,” tanong ni Chua.

“Wala namang masama basta majujustify nila yung pondo nila… Hindi naman tayo para mang-ipit ng tao. Ang gusto lang natin ma-justify,” pagpapatuloy nito.

“Baka mamaya totoo din naman [na kulang] so at least malaman natin. So tayo naman tinitingnan lang natin yung mga merit ng kaniyang sagot,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi rin ni Chua na ang mga pinakahuling tirade ni Duterte sa administrasyon ay nakadisenyo para ilihis ang atensyon ng publiko mula sa naging byahe niya patungong Germany sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina sa bansa.

Kinondena rin ni Chua ang tirada ni Duterte sa kakulangan umano ng flood control prijects ng administrasyon na nagdulot ng matinding pagbaha sa Metro Manila.

“Uncalled for at unfair yung kaniyang statement,” ani Chua.

“I think unfair yung comment na binitawan kasi nung nakita naman natin yung buhos, mas matindi pa ito sa Ondoy,” dagdag pa niya.

Anang mambabatas, dalawang taon pa lamang na Pangulo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay may anim na taon para magpagawa ng flood control projects na hinahanap ng anak nito.

“‘Yung kapatid niya yung congressman, si VP ang mayor noong time na yun kaya tingin ko unfair kung ikokompara dito kasi mas matagal silang nanunungkulan,” sinabi pa ni Chua.

“Consistent naman yung kanilang pamumuno doon and yet nakita naman po natin ang naging resulta.”

“Kung minsan dapat iniingatan din natin yung mga binibitawan natin kasi baka magboomerang sa atin yung mga ganitong isyu.”

Si Chua ay dating miyembro ng Aksyon Demokratiko na kalaunan ay lumipat sa Lakas-CMD.

Ang Lakas-CMD ay partidong pinamumunuan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez. RNT/JGC