Home METRO Sekyu isinelda sa boga at pag-aamok sa Navotas

Sekyu isinelda sa boga at pag-aamok sa Navotas

MANILA, Philippines – Sa kulungan ang bagsak ng 34-anyos na security guard nang pagbantaan at takutin ang mga taong dumaraan sa kanyang harapan habang iwinawasiwas ang dalang baril sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Lango pa sa alak ang suspek na si Junar Cris Agudo, ng 34 Kapalaran St., San Roque, nang arestuhin nina P/SSg Leo Lubiano at P.SSg Joey Ang III ng Navotas Police Sub-Station 3 habang hawak ang kalibre .38 baril na ipinapanakot sa mga taong nagdaraan sa kanyang harapan.

Sa ulat na natanggap ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr., nakatanggap ng tawag ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3 sa ginagawang pananakot at pagbabanta ng suspek sa mga taong nagdaraan sa kahabaan ng Fatima St. Brgy. Bagumbayan South dakong alas-7:30 ng gabi.

Kaagad namang nirespondehan ng mga pulis ang tawag at dito na nila inabutan ang suspek habang nagsisisigaw pa at naghahamon ng gulo, habang may hawak na baril.

Naging alerto naman ang mga pulis at inihanda ang sarili sa anumang panganib na susuungin sa pagdakip sa suspek nang lapitan at kausapin ang guwardiya.

Tila nahimasmasan naman sa kalasingan si Agudo nang mamataan ang unipormadong mga pulis na handa sa anumang mangyayari kaya’t napilitang isuko ang hawak na kalibre .38 baril na may tatlong bala sa loob ng chamber.

Sinabi ni P/SSg Levi Salazar, may hawak ng kaso, na paglabag sa Art. 155 ng Revised Penal Code o ang Alarm and Scandal at R.A. 10591 o ang Comprehensive law on Firearms and Ammunition and ihahain nilang kaso laban sa security guard sa Navotas City Prosecutor’s Office. Boysan Buenaventura