Home OPINION WALANG PATID NA PROTEKSYON KAILANGAN NG MEDIA 

WALANG PATID NA PROTEKSYON KAILANGAN NG MEDIA 

NAPAPANAHON nang ituluy-tuloy ni President Ferdinand “Bongbong”  Marcos Jr. ang pangako niyang sisiguruhin ang kaligtasan ng mga mamamahayag.

Ang pamamaril kamakailan sa photojournalist na si Joshua Abiad ay nangangailangan ng masusi at seryosong imbestigasyon upang mabunyag ang mga nasa likod ng pamamaril kung saan nasugatan si Abiad at tatlong iba pa, na sa bandang huli ay nasawi ang 4 na taong gulang na pamangkin ng mamamahayag.

Tama lang na ang alkalde namin sa Quezon City, si Joy Belmonte, ay galit na kinondena ang insidente, kasabay ng pangakong may mananagot sa pangyayari.

Dapat na agarang umaksiyon ang Philippine National Police — sa kabila nangg pagkakabugbog muli ng reputasyon nito sa nakalipas na mga buwan — at tukuyin kung ang pag-atake ay may kaugnayan sa pag-uulat ni Abiad at siguruhing makakamit ng huli ang hustisya.

Posibleng pinuntirya si Abiad, testigo sa korte laban sa drug traders, dahil sa kanyang trabaho. Dumagdag pa ang nakapanghihilakbot na posibilidad na ito sa pangangailangang kaagad na resolbahin ang kaso.

Pagkakataon na ito ng Pambansang Pulisya para magpakitang-gilas at patunayan ang kahalagahan ng kanilang organisasyon sa isang mundong pinagdidilim ng krimen, lalo na dahil ang ilan sa mga opisyal nito ay aktuwal na nakasuhan dahil sa pagkakaugnay daw sa mga sindikato ng droga.

Para sa Pangulong Marcos, ipagpatuloy sana ang pagbibigay-proteksiyon sa media, gaya ng ipinangako nito noong kampanya at bago siya maluklok sa puwesto. Tulad nang kung paanong solido ang naging pagtugon ng gobyerno sa kaso ni Percy Lapid, dapat na ipakita ng pulisya ang parehong pagpupursige sa kaso ni Abiad at tuldukan na ang kultura ng karahasan at panggigipit sa mga mamamahayag.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.