WALA nang makahahadlang pa sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections dahil naglabas na ang Korte Suprema na labag sa ating Saligang Batas ang pagpapaliban ng nagsabing halalan noong Disyembre.5, 2022 at gawin ito sa darating na huling Lunes ng buwan ng Oktubre.
Dineklara man na labag sa batas ang pagpapaliban ng halalan, ‘di man pinipigilan ng Supreme Court ang pagdaraos nito sa nasabing petsa nang taong kasalukuyan.
Ano ba ang mga naging dahilan bakit lagi na lamang nababalam kung halalang pambarangay ang pag-uusapan? Kung mapapansin n’yo, pagkatapos ng pambansang halalan o kaya naman ay ang tinatawag na mid-term elections, nasusundan ito nang pagsasabatas na ipagpaliban ang susunod na BSK elections.
Ito ang nagbunsod nang pagsasampa ng petisyon ng mga batikang ‘election lawyers’ gaya nila Attys. Romulo Macalintal, Albert Hidalgo, Frances May Realino atbp. na kumukwestion sa Republic Act 11935 na kilala bilang “Act Postponing the December 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.”
Dangan kasi, lagi na lamang nasususpinde ang pagdaraos ng BSK kaya maging ang mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ay naglabas nang kanilang desisyon ayon sa nakasaad sa Saligang Batas.
Sa ganang akin, iisa lang ang dahilan nito. Nakikinabang ang ating mga mambabatas sa diskarteng ito. Bakit o’ paano?
Tuwing eleksyon, ipinangangako ng magagaling nating mga deputado sa Kongreso at Senado sa ating barangay officials na isusulong nila ang pagpapaliban ng BSK elections, para mapahaba ang termino ng opisyales ng barangay. Siyempre, ikatutuwa ito ng mga naninilbihan sa barangay, kapalit ng kanilang pagsuporta naman sa mambabatas na nangakong isusulong ang postponement ng BSKE.
Oh di ba, Give and take, ika nga! Ito ay kahit labag na pala sa Konstitusyon gaya ng desisyong inilabas ng Supreme Court.
Sa SC decision na pinonente ni Associate Justice Antonio Kho Jr., ang paggamit ng karapatang mamili ng mga mamumuno sa atin, ay ginagarantiya ng Konstitusyon na dapat ay idinadaos ng regular at ‘di mababalam ng mahabang panahon. Maging ang Commission on Elections, ang sabi sa SC decision, ayon sa Saligang Batas, ay walang kapangyarihan na ipagpaliban ito.
Binigyan nga raw ng Constitution ang Kongreso ng kapangyarihan na itakda ang termino ng mga maninilbihang naibotong mga kandidato.
‘Yun lang at wala nang iba pang isinasaad ang Saligang Batas hinggil sa pagliliban ng BSKE, maliban na lamang sa mga ‘di inaasahang pagkakataon.
Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!





