Home OPINION DOLE-NCMB TINULUNGAN ANG MANGGAGAWA MABAWI ANG KANYANG SAHOD  AT 13TH MONTH PAY

DOLE-NCMB TINULUNGAN ANG MANGGAGAWA MABAWI ANG KANYANG SAHOD  AT 13TH MONTH PAY

ALINSUNOD sa kanilang mandato sa pagpapanatili ng maayos na relasyon sa paggawa sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na edukasyon, pagpapatupad ng mga alternatibong mekanismo sa pagresolba ng di-pagkakaunawaan, at pagpapatupad ng mga makabagong pamamaraan tungo sa pagbibigay-kapangyarihan sa mga manggagawa, tinulungan ng Department of Labor and Employment – National Conciliation and Mediation Board regional office sa Bicol ang isang manggagawa mula sa Legazpi City upang mabawi ang hindi nabayarang sahod at 13th-month pay mula sa kanyang amo.
Humiling kamakailan ang isang manggagawa ng tulong mula sa Regional Conciliation and Mediation Board-5 (NCMB-5) matapos na hindi bayaran ng kanyang kompanya ang kanyang sahod mula Abril 1-20, 2023, at proporsyunal na 13th-month pay mula Nobyembre 2022-Abril 2023 kung saan siya ay nagtrabaho bilang isang sales promoter.
“Taos puso ang aking pasasalamat sa NCMB-5 office sa mabilis na aksyon upang makuha ko ang mga benepisyong nararapat sa akin. Nawa’y mas marami pa silang matulungan na manggagawang katulad ko.” pahayag ng manggagawa matapos ang kasunduan.
Nang matanggap ang kahilingan para sa tulong-teknikal, agad na tinawagan ni AO IV Roslyn A. Borcelis ang kinatawan ng kompanya upang iberipika ang mga isyung iniharap ng nagrereklamo.
Inimbitahan ng sangay ang mga partido para sa isang pagpupulong upang alamin ang mga opsyon para sila ay magkasundo. Sa paunang pag-uusap, inamin ng kinatawan ng kompanya ang responsibilidad at nangakong babayaran ang manggagawa, at hiniling sa manggagawa na isumite ang imbentaryo ng mga produkto at clearance. Dagdag pa, nangako ang kinatawan ng kompanya na ibi-bigay ang buong halaga na dapat bayaran sa manggagawa para mabilis na maisaayos ang kaso.
Sa ikalawang pagpupulong, tinanggap ng manggagawa ang tseke na may kabuuang halaga na P9,473.60 katumbas ng kanyang hindi nabayarang sahod at proporsyunal na 13th-month pay. Pinasalamatan ng manggagawa ang NCMB sa kanilang mabilis na aksyon upang tulungan siyang mabawi ang kanyang sahod at benepisyo.
“Ang aming layunin ay isulong ang boluntaryong pamamaraan ng pag-aayos ng mga di-pagkakaunawaan sa lugar-paggawa gamit ang conciliation mediation. Mananatili kaming nakatuon sa aming mandato na tulungan ang manggagawa at namumuhunan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa industriya,” wika ni Regional Branch Director Reynaldo S. Foncardas
Hinikayat din niya ang lahat na huwag mag-atubiling bumisita sa regional branch office para sa anomang tulong sa paglutas ng mga isyu sa paggawa.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga serbisyo at programa ng NCMB, maaaring bisitahin ang https://ncmb.gov.ph/contact-us/ (RCMB-5)