Home METRO Sekyu na 4 araw nang nawawala, umalsa sa ilog

Sekyu na 4 araw nang nawawala, umalsa sa ilog

118
0

LA TRINIDAD, Benguet — Natagpuang patay ang isang 25-anyos na security guard na apat na araw nang nawawala sa Balili River noong Linggo, ayon sa mga awtoridad.

Nadiskubre ang bangkay bandang alas-4:14 ng hapon sa Sitio Luboc, Barangay Balili matapos mapansin ng mga batang naglalaro malapit sa ilog ang katawan na palutang-lutang at nakadapa at agad itong ipinaalam sa mga nakatatanda.

Ayon sa pulisya, huling nakita ng pamilya ang biktima noong Marso 18 bandang alas-4 ng hapon, at muli umanong nakita ng kanyang mga katrabaho madaling araw ng Marso 19 sa Km. 4 malapit sa isang bangko.

Sa CCTV footage mula sa isang bahay malapit sa ilog, makikitang tumatakbo ang biktima pasado alas-2 ng hapon noong Huwebes at wala umanong suot na tsinelas. Napansin din ang sirang gate sa naturang bahay na posibleng pilit na pinasok.

Wala namang nakitang ibang tao na kasama o humahabol sa biktima batay sa CCTV.

Narekober ang bangkay ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection–La Trinidad at La Trinidad Municipal Police Station.

Tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na aksidente ang nangyari, dahil posibleng madilim at madulas ang lugar na pinangyarihan ng insidente.

Kinilala ng kapatid ang biktima, at isinagawa ang autopsy ng Benguet Provincial Forensic Unit.

Sa ngayon, wala pang indikasyon ng foul play, ngunit nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here