ABRA- Hindi na magagawang gumising sa kanyang mahimbing na pagkakatulog ang isang 42-anyos na security guard matapos pagbabarilin sa Sitio Ram-ramot, Brgy. San Antonio, Bangued ng lalawigang ito kagabi.
Kinilala ng Bangued Municipal Police Station ang biktima na si Ronie Dumalen Bolante, 42, residente ng naturang lugar.
SA inisyal na imbestigasyon, ang biktima kasama ang kanyang live-in partner ay natutulog sa kanilang kubo malapit sa ilog.
Nagising ang live-in partner ng biktima matapos na makarinig ng sunod-sunod ng putok ng baril.
Nang tingnan nito si Bolante, nakita niya ang dugong umaagos mula sa ulo ng biktima.
Nabatid na nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na agad niyang ikinasawi.
Mabilis na tumakas ang suspek o mga suspek matapos ang pamamaril.
Narekober sa crime scene ang 6 na kapsula ng bala ng cal 5.56mm at dalawang kapsula ng bala ng cal. 45.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para alamin kung ano ang motibo sa krimen at tuklasin kung sino ang salarin o mga salarin. Rolando S. Gamoso