Home NATIONWIDE Sekyu sa ‘Sampaguita girl incident’ nagpasa ng counteraffidavit

Sekyu sa ‘Sampaguita girl incident’ nagpasa ng counteraffidavit

MANILA, Philippines – Nagpasa ng counteraffidavit ang security guard at agency nito, na sangkot sa viral video sa isang estudyanteng sampaguita vendor sa labas ng isang mall para sa isang administrative probe, sinabi ng Philippine National Police – Civil Security Group (CSG) nitong Biyernes, Enero 24.

“Nag-submit na ng counteraffidavit ang guard and agency. Ang nag-submit for the guard is the representative of the agency,” pahayag ni CSG public information office chief Police Lieutenant Colonel Eudisan Gultiano sa panayam ng GMA News.

Nagtungo sa SOSIA ang security guard at ilang representative ng agency nito bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente.

Sinabi ni Gultiano na nagpadala na ng notice ang CSG sa sampaguita vendor para humarap sa Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) sa susunod na linggo at marinig ang panig nito.

Sa viral video, makikita ang security guard at sampaguita vendor na nakasuot ng high school uniform, na nagkakaroon ng argumento.

Nang tumayo ang babae ay hinablot ng guard ang tinda nitong sampaguita at sinira.

Pinaghahampas naman ng estudyante ang security guard gamit ang tinda nitong bulaklak.

Matatandaan na inalis muna sa serbisyo ang security guard ng mall na pinagtatrabahuhan nito. RNT/JGC