Home NATIONWIDE Sen. Imee walang sama ng loob kay PBBM sa ‘di pagkabanggit sa...

Sen. Imee walang sama ng loob kay PBBM sa ‘di pagkabanggit sa Alyansa rally

MANILA, Philippines – Walang sama ng loob si Senador Imee Marcos matapos hindi siya mabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa rally ng administrasyon sa Cavite at Laguna.

Habang 11 kandidato ang pinangalanan ng Pangulo, hindi kasama ang kanyang kapatid.

“Ngayon ‘yung tungkol sa rally, na hindi na ako binanggit, okay lang. Tiisan tayo total wala akong magawa total sinabi ko naman mula’t sapul baka mauwi ito sa away-away ng dalawang panig,” ani Sen. Imee.

Ayon kay Marcos, hindi niya ito iniinda dahil nakatuon siya sa imbestigasyon sa pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague. Iniiwasan din niyang masangkot sa sigalot ng magkabilang panig.

Nilinaw niyang hindi pa siya pormal na umaalis sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ngunit inamin niyang matagal na silang hindi nag-uusap ng Pangulo dahil sa mga taong humahadlang sa kanilang komunikasyon.

“Hindi na kami nag-uusap, matagal na… Maraming nakapaligid sa kanya na humaharang sa aming mag-usap,” dagdag pa ng senador.

Nanindigan siyang tatakbo bilang independent candidate at dumadalo lamang sa mga campaign sorties kung may personal siyang koneksyon sa mga lokal na lider.

Para kay Marcos, mas mahalaga ang kaso ni Duterte sa International Criminal Court kaysa sa eleksyon o pulitika dahil nakataya rito ang soberanya ng bansa.

Ibinunyag niyang maaaring lumabas na ang paunang resulta ng imbestigasyon ngunit kailangan pa ng mas malalim na pagsusuri bago makapaglabas ng opisyal na rekomendasyon.