Malugod na tinanggap ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa kanilang General Membership Assembly noong Abril 1 sa World Trade Center, Pasay City. Dumalo rito ang mahigit 2,500 barangay at SK leaders mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang talakayin ang mga hakbang para sa mas matibay na grassroots governance.
Binigyang-diin ni Revilla ang mahalagang papel ng barangay sa pagbibigay ng serbisyong pampubliko. Ipinahayag din niya ang suporta sa panukalang palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay upang mas mapabuti ang kanilang paglilingkod.
“Kayo ang unang sandigan ng ating mga kababayan. Hindi biro ang inyong trabaho, kaya’t nararapat lang na palakasin pa ang inyong kakayahan,” ani Revilla.
Mula sa kanyang panunungkulan, patuloy niyang isinulong ang mga batas na may direktang benepisyo sa barangay, kabilang ang Expanded Centenarians Act at Kabalikat sa Pagtuturo Act.
Tiniyak ng senador ang patuloy na suporta sa barangay at pagsusulong ng mga programang mag-aangat sa kanilang pamumuhay. RNT