MANILA, Philippines – Inakusahan ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro si Senator Cynthia Villar ng pagharang sa panukala ng administrasyon na ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na bumili ng palay mula sa lokal na mga magsasaka.
Ayon kay Castro, matagal nang mungkahi ng administrasyong Marcos na bigyang kapangyarihan ang NFA upang direktang makapagbenta sa publiko at makontrol ang presyo ng bigas, ngunit ito’y nahadlangan dahil sa mga probisyong nasa Rice Tariffication Law (RTL) na si Villar ang may-akda.
“Dahil sa Rice Tariffication Law na authored ni Senator Cynthia Villar, ang mga private companies ang nag-i-import ng bigas. Hindi pinapayagan ang gobyerno na mag-import,” ani Castro.
Dagdag pa niya, ang mga mungkahing amyenda para palakasin ang papel ng NFA ay hinarang ni Villar, at hinikayat niyang magsaliksik ang publiko kung sino ang nakikinabang sa importasyon ng bigas.
Nagkataon ding lumabas ang pahayag ni Castro sa parehong araw na inendorso ni Vice President Sara Duterte si Camille Villar, anak ng senador, para sa pagka-senador sa halalan sa 2025, kasabay ng pahayag na ang kanyang mga kandidato ay may “common vision” para sa bansa. RNT