Home OPINION SENADO AT STATESMEN NOON AT NGAYON (Part 1)

SENADO AT STATESMEN NOON AT NGAYON (Part 1)

HABANG nag-iisip ako ng susulating artikulo para sa pitak kong ito na Sulo ng Bayan ay napatuon ang tingin ko sa telebisyon o TV naming pinapanooran ng nanay ko na si Inay Benny, 82.

Kaligayahan na ni Inay Benny ko ang manood sa telebisyon mula umaga hanggang gabi at kasama sa pinanonood niya sa PTV 4 ang Philippine Charity Sweepstakes Office Lotto Draw.

Napatuon nga ang aking pansin sa pinanood ni Inay Benny na “Will To Win” sa GMA 7 na dati ay nasa ibang istasyon ng telebisyon. Kaya naman nanumbalik sa aking alaala ang sinabi ng host nito na si Willy Revillame noong nakaupo pa si dating Pangulong Rodrigo Duterte na minsang nag-anyaya sa kanyang kumandidatong senador subalit tumanggi siya.

Dumaloy rin sa aking alaala ang kanyang binitiwang salita sa isang Maisug Rally sa Davao City na handa siyang pumalaot sa pulitika upang magkapaglingkod at makatulong sa mga tao.

Subalit dahil sa muling pagbubukas ng pintuan ng showbiz entertainment, isinasaisantabi na niya ang kanyang sinabing maglingkod at tumulong sa tao. Ngayon ay buo ang desisyon niya na muling maglilingkod at tumulong sa tao sa pamamagitan ng kanyang entertainment program na “Will To Win” at hindi sa ibang larangan gaya nang pagiging politiko.

Hinangaan ko si Willie Revillame sa kanyang tamang pasya at wastong desisyon na magpatuloy muli sa showbiz entertainment kung saan siya nakilala sa larangang ito at bihasa sa industriyang ito.

Sa kabilang banda, sa usapin naman ng pulitika sa ating bansa ngayon,  ang karamihan sa mga botante natin ay tila tumitingin na lamang sa sikat na personalidad kaya kung ikaw ay sikat na artista o pamosong manlalaro ay may posibilidad kang manalo sa eleksyon.

Noong bata pa ako ay nadirinig ko sa mga matatanda sa aming pamilya noon na tunay na kahanga-hanga ang Senado at sadyang magagaling talaga ang mga senador noon. (May karugtong)