Home OPINION TAMA SI VP SARA; PARANG DENGVAXIA LANG

TAMA SI VP SARA; PARANG DENGVAXIA LANG

HINDI sinasabi ng inyong PAKUROT na tama si Vice President Sara sa hindi pagsagot sa isyu ng P73 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022 na nais ng Commission on Audit na kanyang ilutang.

Ang sinasabi ng inyong lingkod na tama si VP Sara ay ang pagtanggi nitong sagutin ang katanungan ni ACT Teacher partylist Rep. France Castro ay ang ukol sa isyung binanggit sa itaas sa hearing ng 2025 Budget ng OVP sa House Committee on Appropiration.

Malamang, marami ang magre-react sa mga mambabasa ng ating pahayagan at ng online at sasabihing maka-VP Sara ang inyong lingkod. Dahil sa FB post pa lang, marami na ang bashers na nagbigay ng sari-saring komento sa hindi pagsagot ni Duterte sa tanong ni Castro na tiyak na magiging patungo sa balitaktakan sa hearing.

Tama si VP Sara sa hindi pagsagot dahil hind inga naman iyon ang tamang venue para sagutin ang mga katanungang ibinabato sa kanya kaugnay sa confidential fund. Dapat, magpatawag ng ibang hearing ang House of Representative upang maimbestigahan ang Bise Presidente kaugnay sa kanyang confidential fund noong 2022.

Dapat nga naman, ang mga itatanong lang ay tungkol sa paggagastusan ng 2025 Budget. Hindi dapat kung saan-saan susuot ang usapin tulad nang nangyayari kung kaya’t sa sobrang tagal ay marami ang naaabalang dapat ay isasalang din.

Para kasi iyang sa korte lang na pagdinig. Ang isasagot lang ay “Yes” of “No” at hindi pwedeng magpaliwanag ang nakaupo sa witness stand kung hindi naman tinatanong. At sakaling “out of line” ang tanong ng abogado ng kalaban, tiyak na hihilingin ng abogado ng kabilang panig na ibahin ang katanungan. Pero, nasa hukom nga iyon, kung alin sa pagtimbang niya ang tama at kanyang papaboran.

Isang halimbawa ay ang pagbasura ng Quezon City Regional Trial Court sa  mga kasong kriminal kaugnay sa Dengvaxia na isinampa laban kay dating Health Sec. Janette Garin at iba pang mga doktor dahil nabigo.

Sabi ni Presiding Judge Cleto Villacorta III, bigo ang prosekusyon na magbigay ng sapat na ebidensya at hindi mga tunay na eksperto ang kanilang iniharap sa korte sa halip ay mga doctor na pawang opinyon ang ibinigay.

Nagpatotoo sina Dr. Clarito Cairo, Dr. Tony Leachon, at Dr. Erwin Erfe subalit hindi ito binigyang bigat ng hukuman. Para sa hukom, kailangang mula sa  isang mapagkakatiwalaan na may espesyal na kaalaman, kasanayan, o training ang patunay bukod pa sa hinango dapat sa scientific principles at methods.

Hindi rin umano napatunayan ng prosekusyon na ang sanhi nang pagkamatay ng mga batang biktima ay dahil sa Dengvaxia sapagkat bago ang pagbabakuna, ang mga batang ito ay may underlying conditions na.

Noong ipagkaloob kay VP Sara ang confidential fund, magkaibigan at magkasangga pa sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Kung hindi kaya sila nag-away at naghiwalay ng landas, hihimay-himayin pa kaya kung saan napunta ang confidential fund?