Home OPINION SENADO, ‘DI DAPAT LUMUHOD

SENADO, ‘DI DAPAT LUMUHOD

50
0

TAMA si Senate President Alan Peter Cayetano nang igiit na hindi dapat lumuhod ang Senado sa anomang uri ng “Pressure Politics”.

Sa gitna ng umiinit na bangayan sa pulitika, hindi maikaiila na nahaharap ngayon ang Senado at ang bagong mayorya sa matinding pressure. Sunod-sunod ang mga kasong isinampa at mga bantang ligal laban sa ilang senador.

Bukod kay Senador Jinggoy Estrada, nabanggit ding posibleng maharap sa mga kaso sina Senador Francis “Chiz” Escudero, Rodante Marcoleta, at Joel Villanueva.

Matatandaang mariing itinanggi ni Estrada ang mga alegasyon laban sa kanya at iginiit na mismong ang Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office ang nagsabing walang budget insertions sa 2025 national budget. Inihayag din niya na ilang ulit umano siyang inalok na kumalas sa Majority Bloc kapalit ng pagbasura sa kaso laban sa kanya, bagay na kanyang tinanggihan.

Samantala, maging si Cayetano at ilang empleyado ng Senado ay nahaharap din sa bantang mga kaso kaugnay ng mga naganap na insidente sa Senado. Dahil dito, lalong tumitindi ang mga tanong kung ang mga pangyayaring ito ba ay bahagi lamang ng normal na proseso ng batas o may halong pulitikal na panggigipit.

Hindi sinasabi ni Cayetano na hindi dapat managot ang sinomang mapatutunayang lumabag sa batas. Hindi rin niya hinihiling na pigilan ang proseso ng hustisya. Ang kanyang punto ay simple ngunit mahalaga: MAY MALINAW NA PAGKAKAIBA ANG PATAS NA PAGPAPATUPAD NG BATAS at ang paggamit nito bilang kasangkapan sa political pressure.

Mas lalong nagiging mahalaga ang paninindigang ito habang patuloy na lumalakas ang panawagan na siyasatin ang mga alegasyon ng katiwalian sa malalaking proyektong pampubliko, kabilang ang kontrobersyal na usapin ng flood control projects.

Karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan at papanagutin ang sinomang sangkot kung may ebidensya ng katiwalian.

Tulad ng sinabi ni Cayetano, ang Senado ay isang co-equal branch of government at hindi tropeo na maaaring angkinin ninoman. Kapag ang isang institusyon ay nagsimulang kumilos dahil sa takot, pressure, o political bargaining, unti-unti nitong nawawala ang tunay na kalayaan at dignidad nito.

Ang usapin ngayon ay hindi lamang tungkol sa isang senador o isang kaso. Ang mas malaking tanong ay kung mananatili bang malaya ang Senado na gampanan ang mandato nito nang walang dikta mula sa sinomang makapangyarihan. Sapagkat kapag nasanay ang Senado na yumuko sa pressure, hindi lamang ang institusyon ang talo kundi maging ang prinsipyo ng checks and balances na pundasyon ng ating demokrasya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here