IPINAKITA sa mga nakaraang survey na si Vice President Sara Duterte ang may pinakamataas na marka sa lahat ng opisyal sa bansa. Uulitin ko, sa lahat ng opisyal, ha.
Tungkol naman sa mga nais maging pangulo, nananatili siyang pinakamalakas na kalaban para sa 2028 Presidential elections.
Malayo ang agwat niya kay dating Vice President at ngayo’y ‘Naga City Mayor Leni Robredo kung sila ang pagtatapatin sa isang hipotetikal na labanan.
Dahil si VP Sara ang tiyak na mananalo sa pagkapangulo sa 2028, masasabi nating ito ang pinakasimpleng paliwanag kaya tinatarget at pilit na pinababagsak siya.
Maaari lamang mapigilan si VP Sara na maging pangulo sa 2028 kung mapatutunayang nagkasala siya sa Senate Impeachment court.
Habambuhay siyang pagbabawalan na humawak ng anomang posisyon sa gobyerno bilang parusa sa kanya.
Ngunit malaki ang problema ng kanyang mga kritiko at kalaban. Kailangan ng 16 na boto ng mga senador upang maparusahan siya. Mayroong 11 senador na tiyak na guilty ang hatol kay VP. Habang ang natitirang 13 miyembro ay matigas at patuloy na tumatangging “maging puppet kapalit ng male-maletang pera”. Araguy!
Subalit ayaw tigilan ng kaguluhan ang Senado. Kasabwat pa ang ilan nitong miyembro, winawasak nila ang sariling institusyon para sa kapritso ng taong ganid na nais magtagal sa pwesto.
Maging ang ilan sa malalaking media at Network ay binayaran para laging gumawa ng kontra-istorya laban sa mga Duterte at sa 13 senador na tumangging maging hawak sa leeg ng mas nasa kapangyarihan.
Lahat na ng paninira ay ginagawa kay VP Sara, subalit lalong nabubuwang ang kanyang mga kalaban dahil imbes na bumagsak siya, patuloy pang tumataas ang kanyang grado sa mga sarbey.
Ang masaklap, habang tumataas si VP Sara, ang kanyang pangunahing kaaway na siyang sinasabing nasa likod ng mga paninira sa kanya, kahit nagkukunwaring nagtatrabaho para kuno sa kabutihan ng bansa…ay pabagsak nang pabagsak ang antas sa sarbey. Walang tiwala at walang bilib sa kanyang mga ginagawa ang taumbayan.
Para sa kasalukuyang gobyerno, ang mapatalsik si VP Sara ang tanging nakikita nitong paraan upang mapigilan siyang maging Presidente. Tuloy ang kanilang ligaya at makaiiwas sa bilangguan o pagtatago sa ibang bansa dahil sa kanilang mga kabalbalan.






