Home OPINION PHILHEALTH BENEFITS, UMABOT SA P143.22B SA UNANG APAT NA BUWAN NG 2026

PHILHEALTH BENEFITS, UMABOT SA P143.22B SA UNANG APAT NA BUWAN NG 2026

38
0

MAS pinalawak at pinabilis pa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa bansa matapos itong maglabas ng kabuuang P143.22 bilyon na benepisyo sa loob lamang ng unang apat na buwan ng kasalukuyang taon, mula January 1 hanggang April 30, 2026.

Ang dambuhalang halagang ito ay nagpapakita ng mala­king pagtaas na 56.15 pors­yento kumpara sa P91.72 billion na naipamahagi sa kaparehong panahon noong nakaraang taon (2025). Ayon kay PhilHealth President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado, ang mabilis na pagtaas ng bayad sa benepisyo ay patunay ng patuloy na pagpapalawak ng Universal Health Care (UHC) at mas mabilis na pagproseso ng claims upang mas madaling maakses ng mga Filipino ang serbisyong medikal sa oras ng kagipitan.

Mga ospital, nakatanggap ng mas mabilis na bayad

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng ahensya, malaking bahagi ng pondo ang napunta sa sektor ng pribadong kalusugan.

Umabot sa P84.65 bilyon ang naibayad sa mga priba­dong ospital at pa­silidad sa buong bansa, na katumbas ng 58.16 porsyentong pagtaas.

Samantala, hindi rin nahuli ang mga pampublikong institusyon matapos maglaan ang ahensiya ng P58.57 bil­yon para sa mga pampublikong ospital, na nagtala naman ng 53.33 porsyentong pagtaas kumpara noong nakaraang taon.

Sa kabuuan, mahigit 9.1 million na mga Filipino ang direktang nakinabang sa mga hospital at medical benefits na ito sa loob lamang ng apat na buwan. Binigyang-diin ni Dr. Edwin Mercado na ang bawat claim na kanilang pino-pro­seso at binabayaran ay hindi lamang basta mga numero sa papel kundi representasyon ng tunay na “bayanihan” at konkretong suporta ng pamahalaan at ng kapwa Filipino para sa mga pamilyang nahaharap sa krisis-pangkalusugan.

Ayon pa sa pamunuan, ang malawak na implementasyon ng mga programang ito ay ­alinsunod din sa mahigpit na direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na gawing pangunahing karapatan at hin­di luho ng bawat Filipino ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan. Ipinakikita ng mga bagong datos na patuloy na lumalakas ang healthcare safety net ng Pilipinas upang tuluyang mabawasan ang out-of-pocket o sariling gastos ng mga pamilya kapag may nagkakasakit at na-confine sa ospital.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here