MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na ang Senado, bilang isang collegial body, ay maaaring bumoto kung itutuloy pa ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng ruling ng Korte Suprema na nagdedeklarang ang impeachment trial ay unconstitutional.
Bagamat personal na kinikilala ang desisyon ng Korte Suprema, batid din ni Lacson na ang Senado ay maaari pa ring magkaroon ng deliberasyon at bumoto bilang isang body.
“Ang [Senate] impeachment court [ay] isang collegial body. Marami kaming senator-judges, kaya siyempre kung merong magmo-motion na pagbobotohan na ituloy pa rin, kahit may ruling na ang Supreme Court, pagbobotohan pa rin. Pero ako, maliwanag ang aking desisyon dito. Gusto ko na ginagalang ang desisyon ng Korte Suprema. Kasi kapag sinuway natin ang desisyon ng Korte Suprema, baka ang tunay na talunan dito [ay] ang rule of law natin,” ani Lacson.
“Pero kung matatalo ako sa botohan at mas nakakarami ang magde-decide na ituloy ang impeachment trial, igagalang ko rin yun. Magpa-participate ako bilang senator-judge ng pagpapatuloy ng impeachment trial kung aabot doon,” dagdag pa ni Lacson.
Noong Pebrero ay inireklamo si Duterte ng Kamara sa pagsasagawa ng impeachable offenses katulad ng culpable violation of the Constitution, bribery, graft and corruption, betrayal of public trust, at iba pang high crimes.
Sa kabila nito, noong Biyernes ay naglabas ng ruling ang SC na ang impeachment ay unconstitutional. RNT/JGC