Home HOME BANNER STORY Senate probe vs cyberattack mula Tsina ikinasa ni Risa

Senate probe vs cyberattack mula Tsina ikinasa ni Risa

MANILA, Philippines- Pinaimbestigahan ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang pag-atake ng China sa ilang website ng mga ahensya ng pamahalaan habang nagkakagulo ang bansa sa pekeng “people’s initiative” at charter change.

Sinabi ni Hontiveros na kailangan nang tutukan ng Senado ang cyberattack ng China sa ilang government website kabilang ang tanggapan na sangkot sa pagbibigay-proteksyon sa West Philippine Sea (WPS).

Nakatakda sa Senate Resolution No. 923 na inihain nitong Martes, sinabi ni Hontiveros na malaki ang posibilidad na galing People’s Republic of China ang hackers na umaatake sa government websites.

Naunang inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na may operasyon ang mga hackers sa China na sinamantala ang “kaguluhan” sa pagitan ng Senado at Kamara hinggil sa PI.

“Habang nagsasayang tayo ng oras para pag-usapan ang Charter Change, ang Tsina hindi tumitigil sa panghihimasok sa ating bansa. Imbes na ang enerhiya natin ay mapunta sa pagpapalakas ng mga batas para sa ating pambansang seguridad, nag-aaksaya tayo ng panahon para sa interes ng iilan,” ayon kay Hontiveros.

Nitong Pebrero 3, 2024, inihayag ng DICT na pinasok ng hackers ang email system at internal websites ng ilang ahensya ng pamahalaan kabilang pinamamahalaan at pinangangasiwaan ng Philippine Coast Guard, Office of the Cabinet Secretary, the Department of Justice, National Coast Watch System, House of Representatives, at mismong DICT.

Iniulat din ng DICT na may ilang private domains ang tinarget ng China kabilang ang personal website ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

“This is a major cyberattack. While we are all busy cleaning up the mess of the sham ‘People’s Initiative,’ China has taken advantage of the current instability in the country to strike at our vulnerabilities. Dapat ito ang pagtuunan ng pansin, hindi yung mga pekeng insiyatibo na nanggugulo lang sa mga Pilipino,” ayon sa senador.

Binanggit ng resolusyon ang research noong 2023 ng Palo Alto research firm Unit 42, na nagtala ng cyberintrusion na tinatarget ang Southeast Asian government saka maglalatag ng tools at malware upang mapanatili ang kanilang hawak sa kapaligiran at magtayo ng tuloy-tuloy na long-term surveillance.

“Hindi natin alam, baka naka-install na ng mga malware itong Chinese hackers sa ating mga Philippine Coast Guard assets. If so, these recent cyber-intrusions threaten to compromise resupply missions to Ayungin shoal, the security of Philippine Armed Forces personnel stationed on the B.R.P. Sierra Madre, and the wider Philippine national interests in the West Philippine Sea,” ayon kay Hontiveros.

“Tama na ChaCha, Tsina ang mas malaking problema. Let us stop wasting time on changing the Constitution. Unahin na natin ang mga problema sa ekonomiya at ang napakalaking banta na dala ng Tsina,” giit ng senador. Ernie Reyes

Previous articleInflation sumadsad sa 2.8% noong Enero
Next articleFish production sa Laguna de Bay palalakasin ng DA