CAMP PRESIDENT QUIRINO, Bantay, Ilocos Sur- Pinaslang umano ng isang 24-anyos na lalaki ang kanyang 74-anyos na ina matapos siyang pagalitan sa Sitio Banga-an, Barangay Dinwede West, Cervantes, Ilocos Sur nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni Police Capt. Alden Isang, Cervantes chief of police, ang biktima na si Adelina B. Bayawa, biyuda.
Pinagalitan ni Adelina ang suspek na si Rackson B. Bayawa, 24, matapos nitong putulin ang tanim na kape sa likod ng kanilang tahanan bandang alas-4 ng hapon.
Nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa at kumuha ang suspek ng kahoy saka hinambalos ang ina sa ulo. Agad binawian ng buhay ang biktima.
Nakita ng kapatid ng suspek na nakahandusay sa sahig ang kanilang ina at tumatagas ang dugo mula sa kanyang ulo dakong alas-5 ng hapon.
Iniulat niya ang insidente sa mga pulis at sumuko naman ang suspek at itinurn-over ang murder weapon.
Nahaharap si Rackson sa parricide case sa korte. RNT/SA