Home OPINION SERBISYONG MATINO SA 3rd DISTRICT NG MAYNILA

SERBISYONG MATINO SA 3rd DISTRICT NG MAYNILA

HINDI pa uso ang salitang “MALASAKIT” sa maraming kandidato, uso na ito sa matagal ko nang kaibigan at kumpare na si Nelson Ty, 3 term barangay captain ng Brgy. 289 sa Binondo, Maynila.

Isa pa lamang siyang karaniwang negosyante at simpleng mamamayan noong una kong makilala, nagpapakita na siya ng MALASAKIT sa kanyang kapwa.

Wala pa siya sa pulitika o public service, hilig na niya ang tumulong. Ewan ko ba pero iyon ang gusto nya. Iyon ang laman ng kanyang puso, kahit walang nakukuhang kapalit.

Upang maging lubos ang pagtulong, bumuo kami ng pahayagan, ang Dyaryong Imbestigador, na naging layunin ang pagtulong sa mga nangangailangan, hindi nabibigyan ng hustisya at upang batikusin ang mga abuso at gumagawa ng katiwalian.

Naaalala ko pa, may isang kaso ng biktima ng panggagahasa at pagpatay sa barko ang tinulungan namin ni Pareng Nelson na magkamit ang pamilya ng hustisya. Siya ang nagbigay ng panggastos at pribadong abogado para sa biktima dahil hawak ng malaking kompanya ang mga salarin. Hindi namin ito tinantanan hanggang sa hindi naipakukulong ang mga rapist.

Isa pang biktima ng rape na batang sampaguita vendor sa Quezon City ang tinulungan niya, sa pamamagitan ng aming Dyaryo, matapos kamuntik mamatay sa pambubugbog ng suspek. Siya rin ang nagbigay ng abogado sa bata para i-monitor ang kaso. Nahuli ang rapist at naikulong na.

Hindi lang ito, may natulungan din siyang bata na nangailangan ng heart transplant. May mga persons with disability na nabigyan ng wheelchair, nangailangan ng mga gamot, financial at legal advice na nasolusyonan ang problema. Marami pang tulong na hindi alam ng marami dahil hindi siya mahilig magpabida. Basta ang gusto niya ay makatulong lang.

Kaya natuwa ako nang malaman na ang aking kaibigang si Nelson Ty ay kumakandidatong konsehal sa ika-3 distrito ng Maynila. Aminado siyang mahirap dahil hindi siya kasama sa malalaking partido. Kulang siya sa resources. Siya’y naniniwaka na kung magwawagi, mas malaki at malawak ang kanyang magagawa para sa kapwa. Hindi na lang sa nasasakupan niyang barangay kundi sa marami pang lugar sa Maynila.

Para sa akin, kailangan ang isang kagaya niya, at hindi ‘yung kung sino-sino na lang, para sa tunay na may MALASAKIT na kawang-gawa sa Maynila.