Home ENTERTAINMENT Shaira Moro, may pakiusap sa followers!

Shaira Moro, may pakiusap sa followers!

Manila, Philippines – Hiniling ng “Selos” singer na si Shaira Moro sa kanyang mga tagahanga na itigil na ang pamba-bash sa Australian singer na si Lenka.

Nilinaw ni Shaira na ang management ni Lenka ay nakipag-ugnayan na sa kanya tungkol sa isyu sa copyright ng kanyang kanta sa magalang na paraan.

Si Lenka ay dinagsa ng mga negatibong komento mula sa mga Pinoy netizens matapos ang viral hit ni Moro na “Selos,” na ginamit ang melody ng kanta ni Lenka noong 2008 na “Trouble Is a Friend”.

Tinanggal na ito sa streaming platforms dahil sa legal na aksyon ng Australian singer.

“Nais ko lamang po makiusap sa mga tumatangkilik at sumusuporta sa akin na nakapagkumento o nakapagsalita ng di maganda at di naaangkop laban kay Idol Lenka, na kung maaari lamang ay tigilan na po natin ang pagtuligsa o pamba-bash sa kanya,” sabi ni Shaira.

“Nais ko din pong ipaalam na naging maayos ang approach sa amin ng kampo ni Lenka, mabuti at maayos silang kausap. At nakikita namin na ginagawa lamang nila kung ano yung tama at naaayon sa batas,” aniya pa.

“Sana po ay matigil na ang mga pamba-bash or pag-spread ng hate speech laban sa kanila bagkus ay ipakita po natin na tayo ay peace-loving citizen. Good vibes lang po tayo lagi,” pakiusap pa niya. Rommel Placente

Previous articleHeat index sa Palawan aabot sa 42 degrees Celsius
Next articleXian, aminadong masakit ang magmahal!