MANILA, Philippines- Dumating na sa Pilipinas ang mga kasamahan ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na nahuli sa Indonesia.
Base sa Bureau of Immigration (BI), lumapag ang flight na sinakyan ng kapatid ni Guo na si Sheila, at Cassandra Li Ong, awtorisadong kinatawan ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na sinalakay sa Porac, Pampanga, sa NAIA Terminal 1 bandang alas-5 ng hapon.
Sinamahan ng mga operatiba ng intelligence division (ID) at fugitive search unit (FSU) ng BI ang dalawa.
“They were considered illegal aliens by Indonesian immigration as they are wanted in the Philippines,” pahayag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Ayon sa BI, batay sa intelligence information, inasistihan ang grupo ni Guo ng isang lalaking Singaporean na nangasiwa sa pananatili nila sa Indonesia.
Paalis na sana ang dalawa sa Batam nang maharang sila.
Isasailalim sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Ong at Sheila Guo para sa debriefing habang magsasagawa ang Bureau of Immigration ng inquest proceedings kay Sheila Guo sa Immigration charges.
Kasunod nito, makikipag-ugnayan ang NBI sa Senado at sa Kamara hinggil sa arrest orders ng ipinalabas ng mga ito.
Nakikipag-ugnayan na ang Senate Office of the Sergeant-at-Arms sa Manila International Airport Authority (MIAA) sa pagsisilbi ng arrest orders laban sa kapatid ni Guo.
Kabilang si Sheila sa mga personalidad na ipinaaresto ng Senado noong Hulyo.
Samantala, ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission spokesman Dr. Winston Casio, wala na sa Indonesia ang kapatid ni Alice Guo na si Wesley Guo.
“Ayon sa mga balitang natanggap at ulat na natanggap natin mula sa ating mga counterpart sa Indonesia ay apparently ‘yung lalaki, si Wesley Guo, ay nasa ibang bansa na raw po,” pahayag ni Casio sa isang Zoom briefing.
“Kung saang bansa ay undisclosed pa po ito,” dagdag ng opisyal.
Inilahad ni Senator Risa Hontiveros na umalis si Guo, kinilala rin bilang Chinese national na si Guo Hua Ping, sa bansa noong Hulyo 18. Ernie Reyes