MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes na ang MV Mirola 1 na sumadsad sa Bataan ay lumutang na at hahatakin sa mas ligtas na lugar.
Ayon kay PCG Bataan Station commander Lieutenant Commander Michael John Encina nagsagawa na ng towing operations ngayon para dalhin ito sa mas ligtas na lugar para doon ayusin.
Ayon sa PCG, ang contracted salvor na Morning Star ay nagsagawa ng pagtatapal at pagkukumpuni sa hull ng MV Mirola 1. Kumuha rin ito ng tubig-dagat para sa refloating operations.
Nagpatrolya ang PCG sa baybayin ng Sitio Bagong Sibol at Sitio Quiapo at iniulat na walang presensya ng oil sheen.
Noong Hulyo 31, ang MV Mirola 1—isang hindi rehistradong sasakyang pandagat at walang clearance bago tumulak—ay sumadsad sa katubigan ng Sitio Quiapo.
Inilagay ng PCG ang MV Mirola 1 sa ilalim ng kustodiya nito para sa karagdagang inspeksyon at upang matukoy kung nakagawa pa ito ng higit pang mga paglabag. Ipinatawag na ang may-ari ng barko.
Bukod sa MV Mirola 1, lumubog din ang MTKR Terranova—may dalang 1.4 milyong litro ng industrial oil fuel oil—at MTKR Jason Bradley sa karagatan ng Bataan.
Tinitingnan ng PCG at National Bureau of Investigation (NBI) kung may kinalaman sa oil smuggling ang tatlong barko sa oil spill ng Bataan.
Itinanggi ng mga may-ari ng MTKR Terranova ang paratang.
Dahil sa epekto ng oil spill, idineklara ang state of calamity sa buong lalawigan ng Bataan gayundin sa siyam na lungsod at bayan sa Cavite. Jocelyn Tabangcura-Domenden