Home NATIONWIDE ‘Shooting incident’ sa BGC tinatalupan ng PNP

‘Shooting incident’ sa BGC tinatalupan ng PNP

MANILA, Philippines- Sinisilip ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y hindi naiulat na shooting incident na kinasangkutan ni House Deputy Minority Leader France Castro sa Makati City, na nakikita ng mambabatas na personal na banta sa kanyang kaligtasan.

Sinabi ni Police BGen. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, na maghahain ng criminal at administrative cases laban sa police personnel na matutukoy na sangkot dito.

“If indeed totoo po ‘to, but I have to check first the incident,” pahayag ni Fajardo.

Sinabi ni Rep. Castro ng ACT Teachers Party-List nitong Huwebes sa House of Representatives quad committee na naharap siya sa isang shooting incident, na inisyal na sinabi niyang naganap sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Subalit, lumabas na naganap ang insidente sa kahabaan ng Makati Avenue sa Makati City.

Inihayag ni Castro na nangyari ang insidente bandang alas-11 ng gabi noong Miyerkules, nang dalawang police officers sakay ng isang marked car na nakaposisyon sa harap ng sinasakyan niya, ang lumabas bilang tugon sa motorcycle rider na lumapit sa kanila.

Sinabi ng mambabatas sa kanyang mga kasamahan nitong Miyerkules na nagtataka siya kung bakit isang umano’y police officer ang nagpaputok ng kanyang baril habang maraming sibilyan sa paligid na maaaring matamaan.

“Tingin ko ay hindi tama ito dahil sa gitna ito ng mga sibilyan, at traffic po ito so maraming sasakyan,” giit niya.

Ipinag-utos ni Police BGen. Anthony Aberin, National Capital Region Police Office (NCRPO) director, ang imbestigasyon sa insidente, kabilang ang dahilan ng hindi paghahain ng Makati City Police Station ng ulat sa umano’y insidente.

Tinanggal na sa pwesto ang mga pulis mula sa Makati City Police Station, kabilang ang hepe nito at ang commander ng Sub-Station 6 (Poblacion), upang matiyak ang patas na imbestigasyon sa umano’y unreported shooting.

“NCRPO would like to assure everyone, especially Hon. France Castro, that it will uncover the details of what happened. If any members of the NCRPO are found to have violated policies, they will be held accountable and penalized accordingly,” wika ng capital police. RNT/SA