BEIJING- Inakusahan ng China ang Pilipinas nitong Biyernes ng umano’y pagpapasimuno ng kaguluhan sa South China Sea sa panunulsol ng U.S., isang linggo matapos magbatuhan ng mga alegasyon ng Beijing at Manila sa pinakabagong komprontasyon sa pinagtatalunang katubigan.
“The Philippine side, with U.S. support and solicitation, has been stirring up trouble in many spots in the South China Sea,” pahayag ni Wu Qian, tagapagsalita ng defence ministry ng China, sa opisyal na WeChat account nito.
“The Philippines is well aware that the scope of its territory is determined by a series of international treaties and has never included China’s Spratly Islands and Scarborough Shoal,” dagdag ng opisyal.
Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag ang Presidential Communications Office (PCO), National Security Council (NSC), at ang Department of National Defense (DND) ukol dito.
Matatandaang nasangkot ang Beijing at Manila ngayong taon sa serye ng mga komprontasyon sa reefs at outcrops sa South China Sea, na inaangkin ng China ang halos kabuuan.
Sinabi ng mga opisyal ng Pilipinas noong nakaraang linggo na binomba ng Chinese coast guard vessels ng tubig ang Manila fisheries bureau boat na magdadala ng mga suplay sa mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal, aksyong kinondena ng U.S.
Inihayag ng China’s Coast Guard na apat na Philippine ships ang nagtangkang manghimasok sa inaangking katubigan nito sa paligid ng Scarborough Shoal, na tinatawag ng Beijing na Huangyan Island.
Matatandaang nagdesisyon ang 2016 tribunal na ang claim ng China ay walang legal na basehan sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), subalit binabalewala lamang ito ng China. RNT/SA