Home NATIONWIDE Siksikan sa mga pantalan, target bawasan ng BOC

Siksikan sa mga pantalan, target bawasan ng BOC

1
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang lahat ng District Collector na paigtingin ang pagbabantay sa mga importasyong nananatiling hindi nababayaran, hindi nakukuha, o hindi nailalabas sa mga pantalan upang mabawasan ang pagsisikip sa mga ito at mapahusay ang operasyon ng ahensya.

Inilabas ni Nepomuceno ang direktiba sa ginanap na June 2026 Collectors Conference ng BOC na dinaluhan ng mga District Collector at matataas na opisyal ng ahensya sa Port of Limay sa Bataan.

Ayon kay Nepomuceno, mahalagang matukoy at maresolba agad ang mga kargamentong matagal nang nakatengga kahit natapos na ang kinakailangang proseso sa Customs at maaari nang mailabas ng mga importer.

Layunin umano ng hakbang na mapabilis ang pagdaloy ng mga kalakal sa mga pantalan, mapakinabangan nang husto ang mga pasilidad, at maprotektahan ang kita ng gobyerno.

Bukod dito, inanunsyo rin ni Nepomuceno ang pansamantalang paglilipat ng Accounts Management Office (AMO) sa ilalim ng Post-Clearance Audit Group (PCAG) upang mapabilis ang pagproseso ng accreditation ng mga importer at customs broker.

Sa kumperensya, tinalakay rin ng mga opisyal ang mga usapin kaugnay ng revenue generation, enforcement operations, trade facilitation, auction at iba pang mahahalagang programa ng ahensya.

Samantala, ibinahagi ni Port of Limay District Collector Atty. Kriden F. Balgomera ang mga hakbang na ipinatutupad ng kanilang distrito upang mapataas ang pagsunod ng mga stakeholder sa mga regulasyon at mapahusay ang serbisyo sa mga kliyente ng ahensya.

Pinuri rin ni Nepomuceno ang mga collection district na nakaabot sa kanilang revenue target noong Mayo 2026, kabilang ang NAIA at mga pantalan ng Iloilo, Clark, Subic, Aparri at Limay.

Binigyang-diin ng opisyal na kasabay ng pagpapalakas ng koleksyon ng kita ay ang pagpapanatili ng integridad at seguridad sa mga hangganan ng bansa upang matiyak ang epektibong serbisyo ng Bureau of Customs sa publiko. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here