Home NATIONWIDE Show cause order ng Comelec, agad tinugunan ni Yorme Isko

Show cause order ng Comelec, agad tinugunan ni Yorme Isko

MANILA, Philippines – AGAD na tumugon si dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa inilabas na show cause order ng Commission on Election (Comelec) laban sa kanya kaugnay sa paglalagay ng mga campaign materials tulad ng mga posters sa hindi tamang lugar.

Nabatid kay Yorme Isko, na nangungunang kandidato bilang pagka-alkalde sa lungsod ng Maynila, na agad niyang iniutos aa kanyang mga taga-suporta ang pagbabaklas sa mga campaign posters matapos matanggap ang inilabas na show cause order ng Comelec na nakalagay partikular sa Welcome Arc sa Legarda St., Brgy. 410 Zone 12 sa Sampaloc.

Nabatid na noon pang Abril 14, 2025 inilabas ng Special Task Force-Baklas 2025 ng Comelec ang kautusan na may kaugnayan sa R.A. 9006 o Fair Election Act matapos nilang matanggap ang reklamo hinggil sa iligal na paglalagay ng mga posters ng kampo ni Domagoso sa hindi tamang lugar.

Sa nasabing kautusan, inaatasan si Domagoso na magpaliwanag sa loob ng limang araw sa oras na matanggap ang show cause order, kung bakit hindi siya dapat ma-diskuwalipika sa halalan at iniutos din ang agarang pagbabaklas sa mga ilegal na campaign materials sa nabanggit na lugar.

Matatandaan na una nang nanawagan si Domagoso sa kanyang mga taga-suporta na sumunod sa mga alituntuning inilatag ng komisyon kaugnay sa paglalagay ng mga campaign materials sa hindi tamang lugar tulad ng mga poste ng ilaw at kuryente, mga puno, kawad ng kuryente at saan mang pampublikong lugar.

Palaisipan naman sa mga taga-suporta ng dating alkalde kung bakit hindi napupuna ng itinatag na “Oplan Baklas” ng pinagsanib na puwersa ng Comelec, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) ang napakarami pa ring poster ng mga kandidato na nakasabit noon pa man sa mga poste ng ilaw, kuryente, at ilang pampublikong lugar.

Anila, sana ay walang kinakampihan o pinapanigan ang mga awtoridad hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng nasabing kautusan gayundin ang hiling nila sa mabilis na aksyon partikular na ang isyu na kumakalat ngayon sa social media hinggil sa umano’y “vote buying”. JR Reyes