MANILA, Philippines – Ipagpapatuloy bukas, Pebrero 18, ng House Tri-Comm ang ikalawang pagdinig nito kaugnay sa isyu ng disinformation at fake news.
Inaasahan ng komite na dadalo sa pagdinig ang mga vloggers at influencers na una nang inisyuhan ng show cause order.
Nagbabala ang House Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information na ang hindi pagsunod sa ipinalabas na show cause orders ay maaaring humantong sa mas mabigat na aksyong legal, kasama na dito ang pagpapalabas ng subpoena at pagsasampa ng contempt charges.
Binigyang-diin ni Laguna Rep. Dan Fernandez, ang overall chair ng Tri-Comm, ang kahalagahan ng pananagot ng digital influencers sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
“We are not suppressing free speech. We are investigating whether social media is being used to mislead the public, undermine institutions, or facilitate foreign disinformation,” ani Fernandez na syang Chairman ng House Committee on Public Order and Safety.
Kabilang sa mga binigyan ng show cause orders ay sina sina Atty. Glenn Chong, social media commentator Trixie Cruz-Angeles, Krizette Laureta Chu, Allan Troy “Sass” Rogando Sasot, Mark Anthony Lopez, Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa, Jeffrey Almendras Çeliz, Mary Catherine Binag, Elizabeth Joie Cruz, Elmer Jugalbot, Ernesto Abines Jr., Ethel Pineda Garcia, George Ahmed Paglinawan, Mary Jean Quiambao Reyes, Richard Tesoro Mata, Suzanne Batalla, Vivian Zapata Rodriguez, Aeron Pena, Alex Destor, Alven L. Montero, Claire Eden Contreras, Claro Ganac, Darwin Salceda, Jeffrey G. Cruz, Jonathan Morales, Julius Melanosi Maui, Kester Ramon John Balibalos Tan, Manuel Mata Jr., at iba pa.
Upang mapalawak ang saklaw ng imbestigasyon, ipinatawag din ng Tri-Comm ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pangunahing social media platforms, mga eksperto sa batas, at mga organisasyon sa midya.
Kabilang sa mga opisyal ng gobyerno na inaasahang magbibigay ng testimonya sina Anti-Money Laundering Council Chairperson Eli Remolona Jr., Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr., Department of Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy, at Philippine National Police Chief Gen. Rommel Francisco Marbil.
Inimbitahan din ang mga kinatawan ng ByteDance (TikTok), Google Philippines, at Meta (Facebook/Instagram) upang ipaliwanag ang kanilang mga hakbang sa paghawak ng maling impormasyon.
Bukod dito, inaasahang magbibigay ng pananaw ang mga eksperto sa batas at midya, kabilang si UP College of Law Professor Joan De Venecia-Fabul, mga kinatawan ng Philippine Daily Inquirer, VERA Files President Ellen Tordesillas, at iba pang media entities tungkol sa posibleng regulasyon sa digital misinformation.
Pinag-aaralan ng Tri-Comm ang mga posibleng hakbang sa pagpapatibay ng digital misinformation policies, kabilang ang mas mahigpit na pananagutan para sa social media influencers, mas epektibong regulasyon sa online content, at mas pinatinding aksyon laban sa mga dayuhang grupong nagpapalaganap ng disimpormasyon. Gail Mendoza