MANILA, Philippines – Mariing kinuwestyon ni Murang Kuryente Party-list Representative Arthur Yap ang pagiging makatarungan ng mga singilin sa kuryente, kasabay ng kanyang pagsuporta sa pag-alis ng Value-Added Tax (VAT) sa systems loss upang maibsan ang pasanin ng mga consumer.
Sa kanyang privilege speech sa Kamara, binigyang-diin ni Yap ang lumalalang diskumpyado ng publiko dahil sa “nakalilitong” mga component sa electric bill.
Bagamat iginigiit ng Manila Electric Company (Meralco) na 12% lamang ng kabuuang bill ang napupunta sa kanila habang 88% ay mga pass-through charges, naniniwala si Yap na hindi lamang usapin ng legalidad ang dapat tingnan.
“Dahil ang tunay na tanong ay hindi lamang: ‘May legal basis ba?’ Ang tunay na tanong ay: ‘Makatarungan pa ba ito?’” aniya.
Kinilala ng mambabatas na ang ilang singilin ay awtorisado sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA), subalit kinuwestyon niya ang patuloy na pagpataw ng iba pang gastusin gaya ng subsidiya sa senior citizens, FIT-All, GEA-All, at systems loss. Ayon kay Yap, tila kulang ang malinaw na statutory basis para ipasa ang mga ito sa balikat ng mga consumer.
Ipinanukala ni Yap na kung tunay na national priorities ang mga naturang programa, dapat itong pondohan sa pamamagitan ng General Appropriations Act (GAA) sa halip na isingit sa billing ng kuryente.
Bilang konkretong solusyon, nanawagan si Yap ng suporta para sa House Bill No. 8415. Layon ng nasabing panukala na tanggalin ang VAT sa systems loss charges bilang agarang ginhawa para sa mga consumer. Gail Mendoza