Home OPINION SINO BA TALAGA NAGPALAKI NG GULO?

SINO BA TALAGA NAGPALAKI NG GULO?

7
0

KAPAG may rambulan sa kanto, kadalasan ang unang sumisigaw ng “ako ang biktima” ay siya ring unang naghagis ng bato. Ganyan ang eksenang nakikita ngayon ng publiko sa Senado.

Araw-araw, reklamo nang reklamo ang tinaguriang “Minority Brats.” Kesyo inaapi raw sila. Kesyo hindi sila pinakikinggan. Kesyo ang lahat ng sablay sa Senado ay kasalanan ng Majority. Pero kapag binusisi mo ang mga pangyayari, parang may mali sa kanilang kwento.

Noong sila ang nag-walkout, hindi raw abandonment of session. Pero nang may hakbang ang Majority, biglang violation daw ng rules. Aba, parang basketball lang na sila ang referee, sila pa ang scorer! Kapag pabor sa kanila, tama. Kapag hindi, foul agad?

Ngayon naman, isinisisi nila sa kasalukuyang liderato ang mga panukalang hindi naipasa. Sandali lang. Kauupo pa lamang ni Senate President Alan Peter Cayetano. Kung talagang napakahalaga ng mga panukalang iyan, bakit hindi naipasa noong mga nakaraang buwan? Noong si Senator Vicente “Tito” Sotto pa ang Senate President? Bakit ngayong paubos na ang sesyon saka nagmamadaling maghanap ng masisisi?

At imbes na tutukan ang mga seryosong usapin ng bansa, kung ano-anong drama ang inuuna. Minsan aircon, minsan vlog, minsan personal na banat. Para tuloy mas interesado silang mag-viral kaysa magtrabaho.

Ang nakalulungkot, habang abala ang ilan sa pagpapapogi sa camera at paggawa ng soundbite, maraming mahahalagang isyu ang naghihintay ng aksyon. Kasama na rito ang mga kontrobersiyang dapat busisiin nang husto, gaya ng mga usapin sa flood control projects at iba pang kwestiyon sa paggasta ng pondo ng bayan.

Hindi ang pinakamalakas magreklamo ang awtomatikong tama. Minsan, ang pinakamalakas mag-ingay ay siya ring ayaw marinig ang katotohanan. At habang patuloy ang drama ng ilang “Minority Brats,” lalong nagtatanong ang publiko: sino ba talaga ang nagpalaki ng gulo?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here